Ayon kay Congressman Oscar Moreno, hindi iyon ang bank account na isinumite ng Equitable Bank na una nang dapat na ipakita sa impeachment trial matapos na hindi mabasa ang nakapirma kung ito ay Valhalla o Velarde.
Sinabi ni Moreno na posibleng napalitan ang envelope bago pa ito maipakita sa tribunal dahil magkakaiba ang dates at ang pirmadong application sa pagbubukas ng bank account.
Aniya, may bura rin ang account number ng tseke na nagkakahalaga ng P142 milyon. Lumilitaw din na nakapag-isyu ng tseke noong Okt. 5 samantalang Okt. 7 lamang nakapagbukas ng bank account.
Iginiit naman ni Congressman Feliciano Belmonte Jr. na nagtataka lamang sila kung bakit pinayagan ng banko ang hindi paglalagay ng personal data ng bank applicant samantalang isa ito sa mga kailangan na kumpletuhin ng magiging depositor.
Posible rin umanong hindi na kinailangan pa ang paglalagay ng mga personal data dahil sa ang nag-introduce upang magbukas ng account ay may inisyal na G.L.G. na ipinalalagay naman ng mga senador na si George L. Go, ang dating Pangulo ng Equitable Bank.
Bago buksan ang naturang envelope, binawi na ng defense panel ang kanilang motion for reconsideration samantalang nagpakita naman ng kanyang galit si Makati Congressman-Prosecutor Joker Arroyo dahil pinagtagal ng korte ang pagbubukas ng envelope ng halos dalawang linggo.
Habang binubusisi ang signature card, kapansin-pansin ang pagiging malabo ng pirma kumpara sa pirma ng nasa tseke.
Isinalang din si Rufo Colayco, ang dating president ng Clark Development Corp. upang patunayan na pawang totoo ang naunang testimonya ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson na minsang tinangka ng Pangulo na upahan ang Fontana para sa paglalagay ng Fontainbleau hanggang sa ipasya na bilhin na lamang ang buong lugar. (Ulat nina Doris Franche at Rose Tamayo)