ERAP: GREAT LOVER, GREAT LEADER - Galante si Erap

Galante si Erap. Madaling mabagbag ang kalooban kapag ang babae na ang humiling. Bigay-todo siya at hindi na naiisip kung anuman ang kahihinatnan ng kanyang desisyon sa pagbibigay. Nagpapatunay lamang na talagang mabait siya at gagawin ang lahat upang mabigyang kasiyahan ang babaing "malapit sa kanyang puso".

Bukod umano sa mansion sa Wack-Wack na pag-aari ni Laarni Enriquez, isang mansion pa sa Quezon City ang sinasabing tinitirahan nito. Ang mansion ay tinawag na "Boracay". Marangya ang "Boracay" ayon sa mga report. Sa swimming pool na lamang nito ay ipinakikita na ang walang taros na paggastos na para bang walang pagkaubos ang pera kung saan man ito nanggagaling. Ang paligid umano ng pool ay hinakutan ng maraming puting buhangin na galing pa sa Aklan. Malaki ang swimming pool na nilagyan pa ng artipisyal na makina upang magbuga ng kunwari’y alon.

Ang mansion naman sa Wack-Wack na ginawa para umano kay Laarni ay kahanga-hanga ang plano batay sa isinumiteng lay-out ng prosecution sa isinasagawang impeachment trial. Sa second floor ng mansion ay tig-isa ng kuwartong may sariling banyo ang tatlong anak ni Erap kay Laarni na sina Jerika, Jake at Jacob. Mayroon ding isang bedroom na laan para sa bisita. May library, may kitchen at storeroom. Ang karangyaan ay hindi maitatago sa plano ng mansion.

Hindi kumukupas ang pagmamahal ni Erap kay Laarni. Ang nakapagtataka lamang, hindi nakukuntento si Erap sa isa. Talagang certified macho na ang bawat "butas" na makita’t matipuhan ay lalagyan ng "tapal". Ang pagkahilig sa night life at iba pang bisyo na naging dahilan din ng 18 taong paghihiwalay nila ni First Lady Loi ay patuloy kahit na meron na siyang Laarni.

Dumating sa buhay ni Erap si Joy Melendrez. Si Joy ay estudyante nang panahong magkrus ang landas nila ni Erap. Maganda si Joy. Maganda ang mga mata at may malalalim na biloy sa pisngi. Maganda ang katawan at sariwa. Mga katangiang labis na nagpaalma sa ka-machohan ni Erap. Ang ama ni Joy ay isang dating pulis sa Mandaluyong City.

Nakilala umano ni Erap si Joy sa isang bar. Paboritong tambayan ni Erap ang bar na ang pangalan umano ay 419 na kung iisiping mabuti ay April 19. Ang 419 na ito ang sinabi rin ni Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson na madalas umano nilang puntahang dalawa ni Erap. Madalas din umanong tumambay sa bar na iyon si Joy kasama ang mga kaibigan nito. Nakita nga siya ni Erap at nabighani sa kanyang kagandahan. Doon nagsimula ang pagkilala nila ni Erap. Kasunod ng pagkikilalang iyon ang nakakikiliti at makulay na romansa na nagbunga ng isang lalaking anak. Ipinanganak ni Joy ang sanggol sa United States na nataon pang sa kaarawan din ni Erap – April 19. (Ulat ni Ronnie M. Halos)

Show comments