'Jinggoy collector ng jueteng ' - testigo

Isang testigo ng prosecution ang nagpahayag sa pangalawang araw kahapon ng paglilitis ng kasong impeachment laban kay Pangulong Joseph Estrada na dati siyang kumukolekta sa anak ng huli na si San Juan Mayor Jinggoy Estrada ng salapi mula sa jueteng.

Sinabi pa ng naturang testigong si Emma Lim, empleyado ni Ilocos Sur Governor Luis Singson sa LCS office nito, na kumolekta rin siya ng jueteng money mula kay Presidential Assistant for Bicol Affairs Anton Prieto at sa hinihinalang gambling lord na si Bong Pineda ng Pampanga.

Idinagdag pa ni Lim na siya ang itinalaga para kumolekta ng jueteng money kina Mayor Estrada, Prieto at Pineda.

Nang tanungin ni prosecutor Salacnib Baterina, sinabi ni Lim na nakakasiguro siya na mula sa jueteng ang tinanggap niyang pera dahil ito ang sinabi sa kanya ni Singson at kinumpirma ito ni Yolanda Ricaforte na auditor umano ng Pangulo sa koleksyon sa jueteng.

Sinabi pa ni Lim sa impeachment court na una siyang nakatanggap ng P1 milyon mula kay Mayor Estrada noong kalagitnaan ng Enero 2000. Noong Marso, tumanggap pa siya ng P1 milyon uli mula sa naturang alkalde sa tanggapan nito sa munisipyo ng San Juan. Idineposito niya ito sa Metrobank account ni Singson.

Sa isang pulong sa Hotel Dusit sa Makati City, binigyan siya ni Prieto ng P1 milyong halaga ng postdate check na tumalbog nang ideposito niya sa bank account ni Singson. Ikinagalit umano ito ng gobernador.

Kumolekta rin umano siya ng P5 milyong cash kay Pineda sa kanyang bahay sa San Juan.

Subalit ayon naman kay Atty. Raul Daza, isa sa mga abogado ni Estrada, walang nag-uugnay sa Pangulo sa ginawang pagharap ni Lim sa impeachment court.

Samantala, itinanggi naman ni Prieto, na sa kanya ang bank account na pinaglagakan ng mga koleksiyon sa jueteng.

Ayon kay Prieto ang kanyang account number ay 00-445-810925 at hindi 00-445-810682-2.

Sinabi naman ni Senator John Osmena na ang naturang tseke na umano’y inisyu ni Prieto at dineposito sa Metrobank ay isinauli nito kay Singson dahil na rin sa posibilidad na ginaya ang pirma.

Maging ang pirma na nasa tseke ay itinanggi din ni Prieto na naging dahilan upang hingan ni Senador Renato Cayetano ng pirma bilang specimen ang una.

Iginiit naman ni Congressman Sergio Apostol, na hihilingin niya sa National Bureau of Investigation na suriin ang apat na pirma ni Prieto kabilang ang pirma na nasa tseke.

Pinasa-subpoena naman ni Agusan del Norte Rep.Roan Libarios ang ilang tauhan ng PNB-Naga kung saan nagbukas ng account si Prieto.

Sa naturang paglilitis, nais na ipakita ng prosecution na si Prieto ay isang "hostile witness" subalit ito ay kinuwestiyon ni chief Justice Hilario Davide,Jr.

Ang kanilang pagpapaharap kay Prieto, ay pagpapatunay lamang na maraming ulit na itong nagbigay ng jueteng money kay Singson na nagsisilbing suhol para kay Pangulong Estrada.

Tiniyak naman ni Prieto nang tanungin ni Senador Juan Ponce Enrile na handa naman siyang magsalita kahit pa ito laban sa pangulo hangga’t ito ay pawang katotohanan.

Samantala, binago ni dating Philippine National Police director chief Supt. Roberto Lastimoso ang kanyang unang testimonya na una siyang nakipagkita kay Pangulong Estrada bago lumabas ang memorandum o kautusan noong Hulyo 27,1998.

Dahil dito sinabi ng defense panel na walang kautusang ipinalalabas ang Pangulo hinggil sa jueteng maging ang memorandum mula kay Lastimoso. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments