^

Bansa

Laarni unang igigisa sa impeachment court

-
Ang dating starlet na si Laarni Enriquez na tahasan nang umamin sa mga panayam na naanakan siya ng tatlo ni Pangulong Joseph Estrada ang maaaring unahing ipasalang ng 11 kongresistang prosecutor sa paglilitis sa kasong impeachment laban sa Pangulo sa sandaling ipatawag na ang mga kalaguyo nito.

Isa sa mga complainant sa impeachment na si Bohol Congressman Ernesto Herrera ang nagsabi kahapon na personal niyang iminungkahi sa prosecution team na unahing ipatawag si Enriquez dahil ito ang may pinakakontrobersyal na mansion kumpara sa ibang mga babae ni Estrada.

Sinasabi sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism na umaabot sa 2,800 metro kuwadrado ang floor area ng itinatayong mansion ni Enriquez sa Wack-Wack, Mandaluyong City samantalang may kabuuang 5,000 metro kuwadrado ang lawak ng lote nito.

Nakapangalan umano kay Enriquez ang architectural plan ng mansion at makikita sa plano ang mga kuwarto ng tatlo niyang anak kay Estrada.

May apat ding kusina, sariling beauty parlor at gymnasium ang naturang mansion.

Sinabi ni Herrera na mahalaga ang magiging testimonya ni Enriquez sa impeachment trial dahil mabibigyang-linaw kung saan nanggaling ang perang ginagastos sa pagtatayo ng magarang mansion.

Gayunman, idinagdag ni Herrera na dapat ding imbestigahan ang mga miyembro ng Presidential Security Group na nakatalaga sa ibang mga babae ng Pangulo.

"Bakit kailangang bigyan ng security escort ang mga kabit ni Erap na ang nagpapasuweldo naman ay ang taumbayan dahil sa buwis na kanilang binabayad sa gobyerno," sabi ni Herrera na nagdiin pa na ang Unang Ginang Dr. Loi Ejercito lamang na orihinal at tunay na asawa ng Pangulo ang dapat bigyan ng security escort.

Sinabi ni Herrera na, sa kanyang pagkakaalam, higit sa 10 ang bodyguard ni Enriquez. Meron din anyang mga bodyguard ang iba pang kalaguyo ni Estrada tulad ni Guia Gomez.

Pero tiniyak ng Malacañang na tututulan ng mga abogado ng Pangulo ang paggigiit ng prosecution panel na humarap sa paglilitis ang umano’y mga kalaguyo niya.

Sinabi ni Executive Secretary Ronaldo Zamora na hindi nakapaloob sa articles of impeachment ang hinggil sa mga babae ng Pangulo.

Pinuna ni Zamora na ang naturang hakbang ng prosecution ay bahagi ng pagtatangka nito na maisama sa articles ang usapin ng mga mansion ni Estrada.

Gayunman, sa isang hiwalay na panayam, sinabi ng Pangulo na wala siyang tutol na ipatawag sa paglilitis ang sinasabing mga kalaguyo niya pero ang mga abogado niya ang magpapasya rito.

"Tawagan ninyo si Guia. Hindi ako makikialam. Nakasalalay yan sa mga abogado ko," sabi pa ng Pangulo.

Samantala, sinabi ni dating House Speaker Manuel Villar na ang unang araw ngayon ng paglilitis sa impeachment ang pagkakataon ni Estrada para magpaliwanag sa taumbayan dahil marami silang katanungan sa kanya. (Ulat nina Marilou Rongalerios, Ely Saludar at Lilia Tolentino)

vuukle comment

BOHOL CONGRESSMAN ERNESTO HERRERA

DR. LOI EJERCITO

ELY SALUDAR

ENRIQUEZ

HERRERA

PANGULO

SINABI

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with