Kabilang sa mga testigong hindi papayagang makalabas ng bansa sina Atty. Edward Serapio, abogado ng Pangulo; Yolanda Ricaforte, auditor umano sa payola na tinanggap ng Pangulo sa jueteng; George Go; Raul de Guzman; Mila Reforma; Danilo Reyes at Betty Bagsik.
Sinasabing si Serapio ang tumanggap ng P200 milyong koleksyon mula sa jueteng para sa Pangulo. Ibinigay umano ni Serapio ang pera kay Betty Bagsik para ito ang magdeposito ng koleksyon sa Erap Muslim Youth Foundation. Tumatayong incorporator at trustees ng foundation sina de Guzman, Go, Reforma at Reyes.
Sinabi ng panel ng tagausig sa pangunguna ni House minority leader Feliciano Belmonte na hindi dapat makalabas ng bansa ang naturang mga testigo dahil mahalaga ang kanilang nalalaman sa impeachment complaint.
Samantala, hiniling ni Senador Renato Cayetano na imbestigahan ang umaboy "pagduktor" sa journal ng Senate session no. 35 noong Nobyembre 15 na naging dahilan para makapagsumite ang mga abogado ng Pangulo ng motion to quash na humihiling na idismis ang impeachment complaint. Sinabi ni Cayetano na may isang salitang nadagdag sa naturang journal na nagbigay ng pagkakataon sa defense panel na magsumite ng motion noong Biyernes.
Pinatungkulan niya ang salitang "not" sa "file his answer" na isang bahagi ng pahayag ni Sen. Francisco Tatad. (Ulat nina Marilou Rongalerios at Doris Franche)