Erap kalaban daw ng konstitusyon

Hinimok kahapon ng Caucus of Lawyers for Erap’s Abrupt resignation (Caucus) ang Philippine Constitutional Association na ideklarang kalaban ng Konstitusyon si Pangulong Joseph Estrada.

Sinabi ni Atty. Argee Guevarra na abogado rin ng grupong Sanlakas na mas makakabuti kung ipagpapatuloy ng Philconsa at ng iba pang grupo ang kampanya sa impeachment case laban sa Pangulo.

Sinabi ni Guevarra na dapat lang ideklarang kalaban ng Saligang Batas ang Pangulo dahil sa mga paglabag nito sa umiiral na Konstitusyon.

Idiniin ni Guevarra na inabuso umano ng Pangulo ang kapangyarihan nito bilang presidente ng bansa sa pagkunsinti sa mga pasugalan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kinondena rin ni Guevarra ang pagpapagawa ng Pangulo ng mararangyang mansion na ipinagamit sa mga umano’y kalaguyo nito. Dito anya napupunta ang ibang pondo ng pamahalaan.

"Sa halip na sikaping magtayo ng isang makatarungan at makataong lipunan, nagpatayo siya ng mga mansion para sa kanyang mga babae at nagbuo ng isang lipunan ng sugal," sabi pa ni Guevarra. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments