Ayon kay Favie, maghahain siya ng pormal na reklamo sa House Committee on Ethics laban kay Gonzales dahil sa ginawa nitong panununtok sa kanya kamakalawa dakong alas-7 ng gabi sa mismong session hall ng Batasan habang suspended ang session.
Ikinagalit umano ni Gonzales ang pagpapapasok sa Plenary Hall ng mga taong hindi mapigilan ang pagpalakpak at paghiyaw habang nagsasagawa ng session.
Sa halip na gumanti ay inisip ni Favie ang integridad ng Kongreso kung kayat hindi niya pinatulan si Gonzales.
Matapos ang insidente ng panununtok ay humingi naman umano ng tawad si Gonzales kay Favie at sinabi nitong hindi lamang niya napigilan ang init ng kanyang ulo.
Ang panununtok ni Gonzales ay ikalawa na sa gulong kanyang kinasangkutan sa mismong session hall ng Kongreso.
Noong kainitan ng isyu ukol sa hot cars ay hinamon nito ng suntukan si Senior Deputy Minority Leader Sergio Apostol (Leyte) nang sabihin ng huli na dapat imbestigahan ang Expedition na pag-aari ni Gonzales.
Sa Konstitusyon ay maliwanag na nakasaad na ang isang mambabatas ay maaaring masuspinde o tuluyang mapatalsik sa puwesto kapag napatunayan na gumawa ito ng aksyon na hindi nararapat sa isang mambabatas.
Samantala, nasaktan naman ang mga opisyal ng Association of General and Flag Officers (AGFO) sa ginawang pananapak ni Gonzales kay Favie.
Bunga nito, hindi palalampasin ng AGFO ang ginawang pananakit ni Gonzales kay Favie at nangako ang mga ito na igaganti ang kanilang inaping kasamahan. (Marilou Rongalerios at Joy Cantos)