"Nais kong maging malaya at walang pag-iimbot sa pagdinig sa darating na proseso ng impeachment. Nais kong umiwas sa ano mang hinalang akoy pumanig o kumiling kanino man kundi sa katotohanan," sabi ni Jaworski.
Nilinaw din ng dating basketbolistang senador na ipinauubaya niya sa Pangulo ang desisyon kung dapat magbitiw sa puwesto o manatiling punong ehekutibo ng bansa.
Napaulat din na kumalas na rin sa partido ng administrasyon ang dating aktor na si Senador Ramon Revilla pero pinabulaanan ito ng opisyal niyang tagapagsalitang si Gerry Panila.
Kasabay nito, nilinaw ni Senador Aquilino Pimente na hindi siya kabilang sa mga senador na kumalas sa LAMP dahil inihinto na niya ang pagmimiyembro rito nang bumoto siya noon laban sa RP-US Visiting Forces Agreement.
Bukod kay Jaworski, naunang kumalas sa LAMP sina Senate President Franklin Drilon at mga kasamahan nilang senador na sina Rodolfo Biazon at Nikki Coseteng. (Ulat ni Perseus Echeminada)