Sa North Cemetery, La Loma, Chinese at South Cemetery, nagkalat ang mga miyembro ng "Erap Resign Movement" na bandang alas-5:00 ng umaga pa lang ay nagsimula nang mangalap ng pirma ng mga pumapasok sa sementeryo para sa paghingi ng suporta sa kampanya sa pagbibitiw ni Estrada sa puwesto.
Bandang alas-10:00 ng umaga nang simulan ng grupong Kalipunan ng mga Damayang Mahihirap at College Editors Guild of the Philippines ang paglilibing sa pagkapangulo ni Estrada sa pamamagitan ng ginawa nilang nitso na kinatititikan ng pangalan ng Pangulo sa North Cemetery.
Pero kinompronta sila ng mga grupong tagasuporta ni Estrada at hinarang ang pangangalap nila ng pirma hanggang sa halos magmurahan ang magkabilang panig. Wala naman umanong naganap na karahasan. Kabilang sa tagasuporta ng Pangulo ang mga miyembro ng Depensa ng Masa, Alay Ni Atienza.
Muntik nang magkaroon ng riot kung hindi naawat ng pulisya ang magkabilang panig. (Ulat ni Andi Garcia)