Sinabi ni Villar na kasalukuyang hawak niya ang inihaing impeachment complaint at ipapasa niya ito sa Justice committee sa Lunes o Martes.
Ang Kamara ay nakatakdang mag-adjourn sa Oktubre 27 hanggang Nobyemre 12 subalit dahil sa kasiguruhang ibinigay ni Villar,inaasahang magkakaroon ng marathon hearings sa impeachment case.Marami ang nagpahayag nang pangamba na hindi magtatagumpay ang impeachment case laban sa Pangulo dahil sa 52 araw na sesyon na lamang ang natitira sa Kongreso bago magsimula ang election period sa Pebrero, 2001.
Sa ilalim ng House rule kaugnay sa impeachment,ang Justice Committee ay mayroong 60 session days matapos ang referral ng kaso upang magdesisyon kung idi-dismiss nila ang kaso o ie-endorso para pagbotohan sa plenary.
Tiniyak ni Villar na hindi na uubusin ang 10-araw na ibinigay sa kanya upang pag-aralan ang kaso.
Kaugnay nito, nanawagan si Isabela Cong. Roldolfo Albano III sa mga Kongresista na nagsusulong ng snap election na bago muna makapagdaos ng snap election ay kailangang amyendahan muna ang 1987 Constitution.
Sakali mang magtagumpay ang impeachment complaint, si Vice President Gloria Macapagal Arroyo lamang ang puwedeng pumalit sa kanya.
Sinabi naman ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na isang palabas lamang ng Malacañang ang mungkahing snap election dahil wala naman itong constitutional basis dahil sa hindi naman bakante ang dalawang matataas na puwesto sa bansa.
Pinabulaanan naman ni Senador Ramon Magsaysay,Jr. na kasama siya sa resolusyon na inihain ni Senador Juan Ponce Enrile na nagnanais na magkaroon ng snap election.
Niliwanag ni Magsaysay na, bagaman nagbitiw siya sa partidong maka-administrasyon, hindi siya pabor na magkaroon ng snap election.(Ulat nina Malou Rongalerios at Doris Franche)