"Meron na kaming mga sapat na pangalan. Nakakagulat na mga bilang na gugulat sa maraming tao," sabi pa ni Belmonte.
Kahapon, isang dating kaalyado ni Estrada na si Parañaque Congressman Roilo Golez ang nakilagda sa naturang resolusyon.
Takdang ihain bukas ng minority group ang impeachment resolution kasabay ng paghahain ng mga kongresistang kapartido ng Pangulo ng isang hiwalay na resolusyon na sumusuporta kay Estrada.
Sa kaugnay na pangyayari, hinamon ni Rebolusyunaryong Alyansang Makabansa executive chairman ret. Commodore Domingo Calajate si Senador Gregorio Honasan na kumalas na sa maka-administrasyong Lapian ng Masang Pilipino at makilahok sa kilusan para patalsikin si Estrada sa puwesto.
Sinabi ni Calajate na dapat nang lisanin ni Honasan ang RAM kung hindi ito kakalas sa LAMP.
Ngayong tanghali, magpaparada ng maliliit na bangka na may mga dekorasyong mga istrimer at makukulay na lobo sa Manila Bay ang mga miyembro ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas para igiit ang pagbibitiw ni Estrada sa puwesto.
Nanawagan naman ang Alliance of Christian Church kina El Shaddai leader Bro. Mike Velarde at Catholic priest Fr. Sonny Ramirez na huwag nang magpagamit sa Malacañang at itigil ang pagdedepensa sa Pangulo.
Sa isang panayam sa radio station dzRH, tumanggi si Vice President Gloria Macapagal-Arroyo na magbigay ng komentaryo sa impeachment proceeding laban kay Estrada.
Ipinaliwanag ni Arroyo na, dahil sa pangyayaring nasa linya siya ng mga dapat humalili sa Pangulo, hindi siya dapat magbigay ng anumang pahayag.
Nagbitiw noong nakaraang linggo si Arroyo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development kasunod ng pagkakasangkot ni Estrada sa jueteng. Pumalit sa kanya sa DSWD si Dulce Saguisag na asawa ni dating Senador Rene Saguisag. (Ulat nina Marilou Rongalerios, Joy Cantos, Jhay Mejias, Andi Garcia at Lilia Tolentino)