GMA nag-'resign' sa cabinete ni Erap

Nagbitiw na kahapon bilang miyembro ng Gabinete si Vice President Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa seryosong akusasyon ni Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson laban kay Pangulong Joseph Estrada na naging daan para ipanawagan kamakalawa ni Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin ang pagbibitiw ng Punong Ehekutibo.

Ipinaabot ni Arroyo sa Pangulo ang kanyang pagbibitiw bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development sa pamamagitan ng telepono bago ipinalabas ng tagapagsalita niyang si Bobby Capco ang kanyang pahayag.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ng Pangulo na tinanggap na niya ang pagbibitiw ni Arroyo dahil nirerespeto niya ang desisyon nito.

Isang impormante ang nagsabi sa Pilipino Star Ngayon na sinikap ng Pangulo na pigilin ang pagbibitiw ni Arroyo para mabigyan siya ng pagkakataong matapos ang imbestigasyon ng Kongreso sa akusasyon ni Singson na tumanggap siya rito ng jueteng payola.

Pero sinabi ng Bise Presidente na nakapagpasya na siya.

Sinabi ni Arroyo sa kanyang pahayag na, bilang Pangalawang Pangulo, mayroon siyang direktang pananagutan sa mamamayang Pilipino. Bilang halal ng bayan, binigyan anya siya ng pananagutang maihayag ang mga problema ng iba’t ibang sektor.

"Nakikipagkonsultasyon ako sa mamamayan at nakinig ako sa kanilang mga hinaing hinggil sa ating pambansang adyenda, ang pamumuno ng pamahalaan at hinggil sa papel na dapat kong gampanan sa gobyerno. Ang mga mamamayang bumoto sa akin ang siyang puwedeng magdikta sa akin," sabi pa ng Bise Presidente.

Pinasalamatan naman ni Arroyo si Estrada sa pagkakataong makapaglingkod sa mahihirap bilang miyembro ng Gabinete pero hindi anya siya puwedeng maglingkod bilang miyembro ng opisyal na pamilya ng Pangulo.

Sa kanyang pagbibitiw sa Gabinete, inaasahang magagampanan niya ang kanyang papel bilang lider ng oposisyong Lakas-NUCD-Kampi.

Inaasahang babalik sa Pilipinas si Arroyo mamayang gabi. Sinabi niya sa kanyang pahayag na tinatapos na niya ang kanyang opisyal na pagbisita sa Turkey at patungo siya sa Rome para makipagkita sa Banal na Papa.

Sinabi ni Press Undersecretary Mike Toledo na ikinalungkot ng Malacañang ang pagbibitiw ni Arroyo pero hindi sila nasorpresa dahil miyembro ito ng oposisyon.

Samantala, sinabi ni House of Representatives minority leader at Quezon City Rep. Feliciano Belmonte (Lakas-NUCD-Kampi) na tama ang ginawa ni Arroyo dahil pinakikinggan lang ng Bise Presidente ang kunsiyensiya nito at panawagan ng mamamayan.

Hinikayat ni Belmonte ang iba pang miyembro ng Gabinete na magbitiw sa tungkulin dahil na rin sa mga katiwalian sa pamahalaan. (May ulat nina Lilia Tolentino, Andi Garcia at Marilou B. Rongalerios)

Show comments