Hiyasmin (39)
“Masama po ang ugali ng stepfather ko,’’ sabi ni Hiyasmin. “Halata ko rin na asar siya sa akin. Para bang ayaw niya akong kasama sa bahay. Kahit na bata pa ako noon, nararamdaman ko na hindi siya mabuting tao. Kung maari lang kuwestiyunin ko si Mama kung bakit ang taong yun ang kanyang pinili pero wala akong kakayahan. At isa pa, palagay ko ay hindi niya ako pakikinggan dahil mahal na mahal niya ang lalaking iyon. Naging sarado ang isipan ni Mama mula nang makasama ang aking stepfather.
“Kaya may mga oras na nagtatanong ako sa sarili kung bakit maagang kinuha ng Diyos sina Lolo at Lola. Kung buhay sina Lolo napakasaya ng buhay ko. Itinatanong ko rin sa sarili kung bakit sunud-sunuran si Mama sa kanyang asawa. Pero ako na rin ang sumasagot sa tanong ko. Siguro’y dahil palamon lang kami ni Mama ng kanyang asawa. Wala kasing trabaho si Mama at kaya mainit ang dugo sa akin ng kanyang asawa ay dahil dagdag akong palamunin.
“Minsan nga narinig kong nag-uusap sina mama at asawa niya. Ako ang pinag-uusapan nila. Dagdag gastos daw ako sabi ng stepfather ko. Parang ayaw na akong pag-aralin.
“Masakit na masakit ang kalooban ko at lihim akong umiyak. Kinausap ko si Mama nang wala na ang aking stepfather. Sabi ni mama, gagawa siya ng paraan para hindi ako mahinto sa pag-aaral.”
(Itutuloy)
- Latest