Imago (79)
BAGO pa man maidikit ng lalaki ang kanyang mga daliri sa leeg ni Maya, pinalitan nang matinding galit ang lahat ng takot sa kanyang katawan.
Idinilat ni Maya ang mga mata. Sa gitna ng liwanag ng flashlight, nakita niya ang panandaliang pagkabigla sa mukha ng lalaki. Ngunit bago pa man ito makasigaw o makagalaw, buong-lakas na inihampas ni Maya ang pipe wrench paitaas, diretso sa mukha ng kalaban.
Umaray ang lalaki habang napahawak sa kanyang mukha, nabitawan ang flashlight na gumulong sa sementadong sahig. Nawalan ito ng balanse at napaluhod sa kanyang harapan.
Hindi na nag-aksaya ng panahon si Maya. Sa kabila ng panginginig ng mga binti, mabilis siyang sumunggab patungo sa lalaki. Ginamit niya ang kanyang buong timbang upang ipitin ito sa sahig, sabay baon ng siko sa leeg ng lalaki upang pigilan ang anumang sigaw na puwedeng makarating kay Elena sa labas.
Nagpumiglas ang lalaki. Ang mga kamay nito ay sumusunggab sa leeg ni Maya, ngunit ang matinding adrenaline na dumadaloy sa dugo ni Maya ay nagbigay sa kanya ng hindi inaasahang lakas.
Gamit ang kanyang kabilang kamay, kinapa niya ang baywang ng lalaki sa gitna ng gumugulong na liwanag ng flashlight.
Naramdaman ng kanyang mga daliri ang malamig na bakal ng isang maliit na baril at ang plastic na keycard sa bulsa nito.
Sa huling malakas na hampas ng wrench sa bahagi ng ulo ng lalaki, tuluyang huminto ang pagpupumiglas nito.
Hingal na hingal si Maya na nakatitig sa walang malay na katawan ng lalaki Hawak na niya ang susi at ang baril. Hindi na siya isang bihag, siya na ang humahawak ng sarili niyang tadhana. (Itutuloy)
- Latest



















