Imago (17)
ALAS-ONSE Y MEDYA ng gabi. Nakabukas pa rin ang ilaw sa kanilang kuwarto, tila naghihintay sa kanilang pagpapasya.
“Hindi ka aalis, Maya. Hindi ako papayag,” mariing sabi ni Nelson habang nakatayo sa tapat ng sliding door ng silid. Ginagamit ang kanyang katawan upang harangan ang tanging lagusan. “Bitag ito. Alam mo ‘yan, ‘di ba?”
“At ano’ng gusto mong gawin natin? Magtalukbong dito ng kumot at maghintay na pasukin nila tayo habang natutulog?” Sagot ni Maya habang isinasabit ang kaniyang camera bag sa balikat. Walang emosyon ang kanyang boses, tanging determinasyon na lang ang natitira.
“Puwede nating i-lock ang pinto!” sabi ni Nelson, bagamat alam din niya sa sarili kung gaano kawalang-bisa ang mga kahoy na dingding ng ryokan laban sa mga taong nakaalam ng kanilang flight at hotel details.
“Nelson, hawak nila ang buhay natin mula pa sa Tokyo,” lumapit si Maya at tumitig sa mga mata ng kaibigan. “Kung mamamatay ako rito, gusto kong mamatay nang alam ko ang totoo. Kung natatakot ka, ibu-book na kita ng flight pauwi. Itutuloy ko ito.”
Napatitig si Nelson sa kanya, tila nakikita ang anino ng kakambal nitong si Mina sa kanyang mga mata. Huminga ito nang malalim bago dahan-dahang tumabi sa pinto.
Binuksan ni Maya ang pintuan. Lumabas sila sa pasilyo, patungo sa nagyeyelong gabi ng Gion district habang ang mga kamay ng orasan ay dahan-dahang lumalapit sa alas-dose. (Itutuloy)
- Latest




















