‘Kalapati’ (3)
DAHIL si Kuya Bong ang nagpapakain at nagpapaaral sa amin ni Tomas, wala kaming magawa kundi sundin ang utos niya—kahit iyon ay labag sa aming kalooban—lalo na sa akin!
Ang mga alaga kasing kalapati ni Kuya Bong ang nakatoka sa akin. Pakakainin ko ang mga yun bago pumasok sa school. Pagdating ko galing school ay kailangang inspeksiyunin ko kung kumpleto ang mga inakay, Madalas kasi na kinakain ng pusa ang mga inakay.
Ganun araw-araw ang ginagawa ko. At yun ay kalbaryo sa akin. Nandidiri kasi ako sa kalapati. Pakiramdam ko, nangangati ang aking katawan kapag umaakyat ako sa bubong para inspeksiyunin ang mga kalapati.
Diring-diri ako lalo na kapag maraming ipot. Kailangang walisin ko ang mga ipot para hindi masira ang aming bubong.
Naiirita rin ako kapag naririnig ang huni ng mga kalapati. Ayaw na ayaw ko sa kalapati.
Pero wala akong magawa dahil yun ang libangan ni Kuya Bong. Pagkagaling niya sa trabaho ay bibisitahin niya ang mga kalapati.
Titiyakin kung napakain ko ang mga iyon at nalinis ang dumi.
Ramdam ko, nawawala ang pagod ni Kuya Bong kapag nakita ang mga alagang kalapati. (Itutuloy)
- Latest