EDITORYAL – Maraming walang kubeta

TAUN-TAON tuwing Nobyembre 19 ay ipinagdiriwang ang World Toilet Day. Ito ay para ipaalala ang kahalagahan nang pagkakaroon nang malinis na kubeta ng bawat pamilya sa buong mundo. Kapag walang kubeta ang bawat pamilya at kung saan-saan na lamang dumudumi, nakaamba ang maraming sakit. Ang kawalan ng kubeta ang dahilan kaya kumakalat ang mga sakit na nagdudulot ng kamatayan sa mamamayan. Nangunguna ang diarrhea sa mga sakit na nananalasa dahil sa kawalan ng kubeta. Karaniwang tinatamaan ng diarrhea ay mga bata.

Nakadidismayang malaman na 7.5 milyong Pilipino ang walang kubeta at karamihan sa kanila ay nasa rural areas o mga probinsiya. Kung saan-saan sila dumudumi --- tabing ilog o sapa, punongsaging, punongniyog, punongkahoy at iba pang tagong lugar. Nabatid na ang mga probinsiyang walang kubeta ang mamamayan ay ang Masbate, Negros Occidental, Maguindanao, Tawi-Tawi at iba pang probinsiya sa Luzon.

Ilang taon na ang nakararaan, nagkaroon ng diarrhea­ outbreak sa isang liblib na lugar sa Palawan. Maraming naospital karamihan ay mga bata. Napag-alaman na ang mga residente ay sa isang sapa kumukuha ng inuming tubig subalit sa sapa rin na iyon sila dumudumi. Wala silang kubeta at tila hindi nila alam ang kahalagahan nang pagkakaroon ng sariling kubeta.

Hindi lamang sa mga liblib na lugar sa bansa, maraming walang kubeta kundi maging sa Metro Manila. Sa Maynila, binanggit sa report na ang mga residente sa Isla Puting Bato, Baseco sa Tondo at ganundin sa Quiapo at mga lugar na nasa gilid ng estero at Pasig River ay walang sariling kubeta. Kung saan-saan na lamang dumudumi umano ang mga residente sa nabanggit na lugar.

Hindi na kailangang ipagdiwang pa ang World Toilet Day para ipaalala sa mamamayan ang kahalagahan nang pagkakaroon ng toilet. Kahit hindi nag-aral, malalaman na mahalaga ang may sariling toilet. Ganunman, dapat pa ring paigtingin ng pamahalaan ang kampanya sa pagkakaroon ng sariling kubeta.

Show comments