EDITORYAL — May epekto kaya ang bagong hymn?
NAGPALABAS ng Memorandum Circular No. 52 ang Malacañang na nag-aatas sa mga ahensiya ng gobyerno na isama ang pag-awit ng “Bagong Pilipinas” hymn at pagbigkas sa Panata sa Bagong Pilipinas sa kanilang lingguhang flag ceremonies. Kabilang sa mga inaatasan ay ang government-owned and controlled corporations (GOCCs), educational institutions gaya ng state universities and colleges at hinihikayat din ang local government units (LGUs) na bigkasin ito sa tuwing flag ceremonies. Layunin nito na maisapuso ang prinsipyo ng “Bagong Pilipinas brand of governance and leadership” sa mga Pilipino.
Kahapon sinimulan nang awitin at bigkasin ang Bagong Pilipinas hymn at Panata sa Bagong Pilipinas sa mga tanggapan ng pamahalaan. Sinabi ng Malacañang na dapat at tiyaking maipapalaganap nang maayos ang awit at pangako ng Bagong Pilipinas. Mahigpit ding inatasan ang Presidential Communications Office (PCO) na magsagawa ng mga hakbang para maipalaganap ang hymn at panata sa lahat ng ahensiya ng gobyerno at publiko.
Mula nang ilunsad ang Bagong Pilipinas hymn, marami ang nagsabi na ito ay walang ipinagkaiba sa Bagong Lipunan hymn na laging pinatutugtog noong panahon ni dating diktador President Ferdinand Marcos Sr. para i-promote ang mga pagbabago makaraang ideklara ang martial law noong 1972. Laging pinatutugtog sa mga himpilan ng radyo ang Bagong Lipunan hymn at inaawit din ng mga bata sa eskuwalahan.
Bagama’t wala namang kautusan na eere ang Bagong Pilipinas hymn ni Marcos Jr. sa mga himpilan ng radyo, nakatitiyak namang magiging malamig ang pagtanggap dito lalo ng mga kabataan. Matatandaan na ang Bagong Pilipinas ay inilunsad noong Hulyo 2023 pero hanggang ngayon, hindi pa lubusang kilala at walang ingay sa pandinig.
Nakasaad ang ilang linya ng Bagong Pilipinas hymn:
Panahon na ng pagbabago
Dahil sa ito ay kinakailangan
Tayo na magtulung-tulong
Na Paunlarin ang Mahal nating Bayan
Panahon na ng pagbabago
At iayos ang mga dapat ayusin
Dapat lang maging tungkulin
Ng bawat mamamayan dito sa atin
Makabuluhan naman ang isinasaad. Pero mas maganda pa rin kung ang mga opisyal ng gobyerno ang magpapakita ng halimbawa sa mamamayan. Ipakita ang pagbabago sa pamamagitan ng paggawa na walang bahid ng katiwalian.
- Latest