EDITORYAL - Simula na ng kaguluhan
NAGSIMULA na ang pagpa-file ng certificates of candidacy (CoCs) noong Lunes para sa mga tatakbo sa 2016 elections. Pero hindi maganda ang simula ng filing ng CoCs sapagkat mayroon na agad biktima ng karahasan. Kasabay nang pagpa-file ng CoCs, isang mayor sa Zamboanga Sibugay ang inambus at napatay habang anim naman sa kanyang mga kasamahan ang nasugatan. Nang araw ding iyon, isa pang kandidato para sa konsehal ang binaril sa Antipolo City at malubhang nasugatan.
Napatay si Mayor Randy Climaco ng Tungawan, Zamboanga Sibugay. Si Climaco ang unang naiulat na napatay na may kaugnayan sa election. Ayon sa report, naganap ang pag-ambus kay Climaco, ilang oras makaraang mag-file ito ng CoCs para tumakbobng vice mayor. Nasa ikatlo at huling term na si Climaco bilang mayor. Nakasakay sa service vehicle sina Climaco at mga kasama nang ambusin. Namatay agad si Climaco.
Nakilala naman ang kandidato na inambus sa Antipolo na si Macario Semilla Jr., 44, na tinamaan sa dibdib. Ayon sa pamilya ng biktima, pulitika ang nasa likod ng pag-ambus.
Ang pagkilos ng Philippine National Police (PNP) sa dalawang insidente ay nararapat. Hanapin ang mga suspect at pagbayarin sa ginawang krimen. Tuwing sasapit ang election, maraming napapatay dahil marami pa rin ang nagmi-maintain ng private armed groups (PAGs). Ang kampanya laban sa PAGs ang mabisang paraan para maging malinis ang election. Kung malalansag ang PAGs, makatitiyak ang mamamayan na walang kaguluhan saan mang dako ng bansa.
Magkakaroon ng katotohanan ang pagbuwag sa PAGs kung magsasagawa ng kampanya ang PNP sa pagsamsam sa mga hindi lisensiyadong baril. Napakaraming loose firearms at kung hindi magkakaroon nang matinding kampanya laban dito ang PNP, magiging magulo ang 2016 elections. Unahin ang pagsamsam sa mga baril para masigurong wala nang mabubuong sariling hukbo ng mga sandatahan ang mga pulitiko.
- Latest