Kakai, iwas sa break-up issue ni Sanya

Totoo kayang break na sina Sanya Lopez at ang napabalitang non-showbiz boyfriend niya?
Hindi na kasi namin naitanong ito sa Kapuso actress, pagkatapos niyang naikuwento sa amin ang pakikipag-boyfriend niya nung dumalo ito sa isang event ng Beautederm.
May mga narinig na kaming kuwento, pero wala na kaming nakuhang sagot mula kay Sanya.
Tamang-tama namang nakasama namin dito sa Japan si Kakai Bautista na kabilang sa pelikulang Get Get Out ng SexBomb Dancers under Mavx Productions.
Ang saya nila Kakai kasama ang taga-SexBomb na sina Jopay Paguia, Sunshine Garcia, Mia Pangyarihan at Johlan Veluz.
Sabi ni Kakai kaibigan daw niya ang ibang taga-SexBomb, lalo na si Jopay at ang asawa nitong si Joshua Zamora.
Pero ang isa sa itinuturing niyang close friends talaga ay ang mga kasamahan niya sa First Yaya, lalo na si Sanya.
Kaya talagang nagpapakialamanan na raw sila, at nahihingan daw siya ng payo ni Sanya kung may pinagdaraanan ito.
“Masyado na kaming involved sa isa’t-isa.
“Hindi naman masama ‘yun. Kasi tingnan mo, ilang taon na kaming magkakaibigan ngayon,” bulalas ni Kakai nang makatsikahan ko siya habang namamasyal sa mga tindahan sa Kawasaki, Japan.
Umaabot daw sa nakikialam na siya, pero alam daw niyang alam na ni Sanya kung paano niya i-handle ang buhay niya, pati na ang lovelife. “Si Sanya kasi... ano naman ‘yan e. May sarili na ‘yang utak ‘di ba? Inadbaysan ko lang ‘yan. Gagalitin ko lang ‘yan. Pero andun pa rin ako.
“Ako naman kasi ‘yung tipo ng kaibigan na, kung OA na ‘yung kasyongahan mo, tatalak na talaga ako. Pero ‘pag alam ko namang nama-manage mo at kaya mo, hindi kita pakikialaman.
“At kung ikaw mismo ang lumapit sa akin, humingi ng advice, okay ‘yun sa akin. Pero kung kailangan nang tuktukin, tinutuktok ko talaga. Pero so far, wala pa namang ganun,” saad ni Kakai.
Sinundan namin ng tanong kung natuktukan na ba niya si Sanya pagdating sa pag-ibig.
“Si Sanya kasi ano naman e, marunong na ang batang ‘yan. At saka ano, pagka may ano naman ‘yan, nagsasabi naman ‘yan sa akin,” safe niyang sagot.
“Ang importante sa akin ngayon, kung magiging masaya ‘yung kaibigan mo. Kung saan siya masaya, hayaan mo na, kasi napakaiksi ng buhay.
“Saka magugunaw na ang mundo. Lagi ko nga sinasabi sa mga interview, ‘di ba? Huwag na nating pakialaman ang buhay ng iba. Maging masaya na lang tayo.
“Ang pakialaman natin, ang buhay natin. Kasi ‘yun ang importante ang buhay natin. Make the most out of our time in this life sa earth.
“Parang hello! Magka-world war 3 na nga. Hindi natin alam,” sabi pa nito.
Hindi niya diretsahang sinagot ang tanong namin kung single na nga ba ngayon si Sanya.
Ang sabi lang ni Kakai, “Lagi naman akong nandiyan. Saka ang importante, okay siya.
“Kaya niya... ‘pag kailangan niya kami, nandun. Kasi ganun naman talaga kaming magkaibigan. ‘Pag kailangan ka, dapat nandiyan ka. Lahat naman tayo dumadaan sa ganun.
“It doesn’t matter kung ilang beses kang naging tanga. What will matter is kung natuto ka ba! Kung paulit-ulit na hindi ka pa natuto, aba, iba na ‘yun.
“Saka malaki na si Sanya. Kaya na niya ang sarili niya. Hihingi ‘yan ng tulong ‘pag hindi na niya kaya,” safe pa ring sagot sa amin ni Kakai Bautista.
Zion, natulungan ni Zanjoe
Isa sa promising na artists ng TV5 ay itong batang si Zion Cruz na bida sa pelikulang Apol of My Ai ng CinePanalo Film Festival ng Puregold.
Nagwagi bilang Best Child Performer dito si Zion, at nakitaan naman talaga siya ng galing sa pag-arte. Kaya sana mabigyan pa siya ng magandang project ng TV5.
Binalikan ni Zion ang moment nung nanalo siya sa CinePanalo. Pero ang isa sa talagang pinasalamatan niya na umalalay sa kanya sa pelikulang ‘yun ay si Zanjoe Marudo.
Aniya, “Una po sa lahat, sa kada scene po, sinusuportahan din po ako ni Sir Zanjoe. And then alam n’yo po kasi iyong parang... chemistry. Parang sadyang medyo bagay po kasi dahil hindi rin po ako nahirapan sa pagiging anak po ni Sir Zanjoe sa movie po.
“And then, sobrang saya din po niyang kasama sa totoong buhay. Kasi po, sobrang bait po. And then, hindi po ako naiiwan ‘pag kunyari po may usapan po sila.”
Nagmarka doon sa pelikula ‘yung nalasing si Zion sa isang eksena. Hindi rin daw niya makakalimutan ‘yun dahil challenging daw sa kanya.
Hindi pa naman daw kasi niya na-experience na uminom ng alak.
“Kaya ko po siya nagustuhan, dahil po it’s so challenging po na maging lasing! Because I’m just a kid po. I’ve never experienced being drunk po... gusto ko po ‘yung part na I was saying some gibberish and then…
“Actually po, si Direk po iyong kausap ko at that time. Kasi po, si Direk din po ang sumusuporta din po sa akin,” paliwanag ni Zion.
Magso-showing na sa mga sinehan itong Apol of My Ai sa Dec. 2, at meron silang premiere night sa Nov. 30.
Mukhang hindi kasali si Zion sa Christmas special ng TV5 at ABS-CBN, pero nasa Christmas station ID siya ng Kapatid network.
Pero kaabang-abang itong Christmas special ng TV 5 at ABS-CBN na Share The Blessing Ngayong Pasko na gaganapin sa Araneta Coliseum sa Dec. 1.
- Latest




















