NCRPO nagbabala vs pekeng ASEAN security advisories

MANILA, Philippines — Nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa pagpapakalat ng pekeng security advisories at maling impormasyon kaugnay ng 49th ASEAN Summit and Related Summits na gaganapin sa Nobyembre 16 hanggang 18.
Iniutos ni NCRPO Acting Regional Director PBGen. Christopher N. Abrahano sa mga police unit na mahigpit na subaybayan ang social media laban sa mga pekeng anunsyo tungkol sa pagsasara ng mga kalsada, banta sa seguridad, restriksyon sa mga lugar ng aktibidad at mga umano’y emergency.
Inatasan din niya ang mga tauhan na makipag-ugnayan sa PNP Anti-Cybercrime Group at iba pang kinauukulang ahensya upang beripikahin ang mga kahina-hinalang post, matukoy ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon at agad na maitama ang mga ito.
Iniutos din ni Abrahano ang imbestigasyon sa mga online threat at mga account o indibidwal na nagpapanggap na mga pulis upang maglabas ng pekeng kautusan kaugnay ng seguridad sa summit.
Pinayuhan naman ng NCRPO ang publiko na huwag agad magbahagi ng mga hindi beripikadong post, screenshot at mensahe, at sa halip ay umasa lamang sa opisyal na anunsyo ng NCRPO, PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan upang maiwasan ang kalituhan habang isinasagawa ang summit.
- Latest















