Promotion na walang salary increase
Dear Attorney,
Maari ko bang tanggihan ang promotion daw na iniaalok sa akin kung wala naman itong magiging dagdag sa aking kasalukuyang suweldo? – Robert
Dear Robert,
May karapatan ang empleyado na tumanggi kung ayaw niyang ma-promote mula sa kanyang kasalukuyang posisyon pero dapat, malinaw muna kung promotion nga ba ang iniaalok.
Ang promotion, ayon sa Coca-Cola Bottlers Philippines, Inc. v. Del Villar (G.R. No. 163091, 6 October 2010), ay ang pagsulong papunta sa isang panibagong posisyon na may mas malawak na mga responsibilidad at tungkulin kaysa sa dati.
Ayon din sa kaso ng NAFLU vs. NLRC (G.R. No. 90739, 3 October 1991), hindi kailangang may kasamang pagtaas sa sahod ang promotion; ang mahalaga ay ang mga pagbabago sa tungkulin ng empleyado.
Kaya kailangan siguraduhin mo munang promotion nga ang iniaalok sa iyo bago mo ito tanggihan. Kung wala namang pagbabago sa iyong mga tungkulin at pangalan lamang ng posisyon ang naiba ay maaring sabihin na pangkaraniwang transfer lamang at hindi promosyon ang kinakaharap mo.
Kung transfer lamang kasi ang iniaalok sa iyo at tinanggihan mo ito, maaring matawag na insubordination na puwedeng ikatanggal sa trabaho ng isang empleyado.
- Latest















