Will at Nanay, P50 lang ang budget noon sa pagkain

Anim na taong gulang pa lamang si Will Ashley noong pumanaw ang ama.
Malaki umano ang ipinagbago ng buhay ng pamilya ni Will dahil sa pagkawala ng kanyang tatay. “Malaki rin, Tito Boy. Siyempre nawalan kami ng padre de pamilya. Kumbaga ang laking factor na mawalan ng isa sa magulang mo. Siyempre si mommy, babae rin. Siya talaga ‘yung kumakayod for me para mabuhay kami. Kasi hindi po naging madali ang buhay talaga namin, Tito Boy,” bungad sa amin ni Will sa Fast Talk with Boy Abunda.
“Kinuwento nga sa akin ni mommy, na no’ng ipinanganak ako, nagdasal siya na sana makakita siya ng pera sa daan para lang may pangkain. Tapos nakapulot po siya ng P500, gano’n po kahirap ang buhay no’ng time na ‘yon. Tapos no’ng nag-i-start pa lang po ako sa commercial, mayroon po kami laging baon na P100 lang per day. Kasama na po do’n ‘yung papunta at saka pabalik, tapos pangkain namin. Meron kaming kinakainan worth P50, pinaghahatian na po namin ni mommy ‘yon,” dagdag pa ng aktor.
Nasaksihan ni Will ang naging sakripisyo ng ina upang mayroon silang makain sa araw-araw. Naging motibasyon ito ng batang aktor pa lamang noon para magsumikap sa buhay.
“Nagpursige rin si mommy no’ng mga oras na ‘yon. Grabe po ang work niya. Naglalakad po siya sa initan para pumunta sa isang place para maglinis (ng bahay). Gano’n po ‘yung naging work ni mommy dati. Napakalaking bagay po no’n, Tito Boy. Grabe ‘yung binibigay no’n para mag-push pa ‘yung talagang maabot ‘yung dream ko for my mom, for my family,” kwento ng binata.
Noong nagsimulang kumita si Will ay pinatigil na umano ang ina sa pagtatrabaho. Nagplano pa raw na makipagsapalaran sa ibang bansa ang ina ng aktor pero hindi na ito natuloy. “No’ng pumasok na ako sa pagko-commercial, nagkakaroon na ako ng kita, nagkakaroon na ako ng enough para mabuhay kami for a month, for two months. Pinag-stop ko na si mommy mag-work.
“Kasi nga wala rin akong ibang kasama eh. ‘Yon din ‘yung time na gusto niyang mag-abroad, sabi ko huwag na. Kasi dalawa na lang tayo sa buhay, tapos iiwan mo pa ako. Sabi ko sa kanya, tutulungan kita kung ano ang kaya kong gawin.
“Tapos ‘yon nga ‘yung time na na-inspire ako sa panonood ng TV. Kasi before bukod sa umarte, gusto ko talagang kumita para makatulong kina mommy. Wala silang binigay na pressure sa akin na gawin.
“‘Yung parents ko, hinayaan talaga nila akong pumili sa kung anong gusto kong gawin sa buhay ko pero siyempre ‘yung may kabuluhan. Itong showbiz, dream ko talaga siya. Bago ako pumasok sa industriya, nakikita ko ‘yung series ni Kuya Alden Richards. Nasabi ko sa sarili ko na gusto kong gawin ‘yon.
“Ako mismo na-inspire niya sa ginagawa niya. Gusto kong mai-apply ‘yon and gusto ko ring maka-inspire ako ng mga tao,” pagdedetalye ng Kapuso actor.
Mapapanood na simula bukas ang Delivery Boi na pinagbibidahan ni Will. Katambal ng aktor sa bagong Kapuso comedy series si Mika Salamanca.
Boto umano ang ina ni Will kay Mika para sa anak. “Ilang beses na rin po kaming lumabas na kasama ang parent ko, family ko. So okay naman po, siyempre. Kasi kung hindi naman po (boto), wala na. Siyempre malaking bagay din po ‘yung family sa relationship. Ako hangga’t maaari, gusto ko okay ‘yung magiging girlfriend ko sa family ko. Same goes with Mika, malaking bagay sa kanya ‘yung family po,” makahulugang pahayag ni Will.
Unang namangha ang binata kay Mika nang makilala nang lubusan sa loob ng Pinoy Big Brother (PBB) house. Nagparamdam ng kanyang hangarin ang aktor sa dalaga ilang linggo pagkalabas ng Bahay ni Kuya noong isang taon. “Doon po ako nag-express ng nararamdaman ko. No’ng time na ‘yon, ang lakas din talaga ng loob ko. Siguro naano (nahasa) ako sa PBB na maging makapal ‘yung mukha, na walang hiya-hiya. ‘Yung lesson na natutunan ko sa PBB is gawin mo ‘yung bagay na wala kang pagsisisihan sa dulo.
“Kumbaga take the risk or lose the chance. Gano’n ‘yung sinabi ko na, ‘I’m starting to like you. Nagiging happy ako every time na kasama talaga kita.’ Nando’n din talaga ‘yung doubts dahil kalalabas lang namin. Talagang hindi lang in-allow ng panahon ‘yung gusto ko that time. Kasi nga marami pa kaming kailangang gawin.
“Kasi nga meron kaming iba’t ibang careers, hindi naman kami magkasama. Sa PBB lang talaga. After ng ilang beses na rejection na ‘yon, naging platonic. Tapos naging okay, parang nando’n pa kami sa ligawan (stage). Ini-enjoy pa lang din namin sa ngayon ‘yung mga nangyayari sa mga buhay namin,” pagtatapat ng aktor. (Reports from JCC)
- Latest























