Board member, sekretarya timbog sa entrapment!

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga awtoridad ang isang Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR) Provincial Board ng Aurora at secretary nito matapos ireklamo ng katiwalian sa transportation deal sa entrapment operation sa bayan ng Baler ng lalawigan, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang mga nasakote na sina Randy Ogian Salo, IPMR Provincial Board member at Secretary nitong si Ronalyn Esteban Pasagian; pawang residente ng Brgy. Ditale, Dipaculao, Aurora.
Sa report ni P/Major Fe Galban, hepe ng Baler Municipal Police Station (MPS), dakong alas-10:16 ng umaga noong Biyernes nang isagawa ang entrapment operation laban kina Salo at Pasagian sa Honesto Restaurant na kilala rin bilang Ben’s Halo-halo sa kahabaan ng Quezon corner Carrasco Street sa Brgy. 1, Baler.
Nabatid na sina Salo at sekretarya nito ay nagtungo sa nasabing establisimyento upang kunin ang umano’y hinuhulugang bayad sa transportation deal na may balanse pang P260,000.
Dito na dinakip ng mga operatiba ng Baler MPS na nagpanggap na kustomer sa restaurant ang nasabing lokal na opisyal at sekretarya nito sa aktong tinatanggap ang nasabing halaga.
Base sa impormasyon, nasa 64 vans ang idineklarang ginamit na transportasyon sa Provincial Capitol na pinamahalaan ni Saro para sa 2-25 Indigenous People’s Day pero lumilitaw sa imbestigasyon na nasa 11 vans lamang ang nirentahan nito sa pamamagitan ng kooperatiba.
- Latest





















