Foxies winalis ng EST Cola

MANILA, Philippines — Bumalikwas ang guest team EST Cola ng Thailand mula sa kabiguan para talunin ang Farm Fresh, 25-21, 25-16, 25-22, sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Pumalo si Papatchaya Phontham ng 17 points para sa 1-1 record ng Thai squad, habang nagtala si setter Natricha Saelao ng 22 excellent sets.
May tig-siyam na marka sina Nannaphat Moonjakham at Nirarach Srikuta para sa guest team na may anim na Thailand national team members.
Nagmula ang mga Thai spikers sa 23-25, 15-25, 28-26, 14-25 pagyukod sa nagdedepensang PLDT High Speed Hitters noong Lunes, habang galing ang Foxies sa 25-14, 25-15, 26-28, 25-20 panalo sa Ho Chi Minh City ng Vietnam.
Binanderahan ni Trisha Tubu ang Farm Fresh sa kanyang 15 points at nag-ambag sina Ces Molina at Ara Galang ng siyam at pitong marka, ayon sa pagkakasunod.
Sina Moonjakham at Sasithorn Jatta ang bumida sa second set para iposte ng EST Cola ang 2-0 kalamangan sa laro, habang ang 1-2 play ni Saelao sa third frame ang sumelyo sa kanilang unang panalo.
Sa unang laro, pumalo si Fil-Am middle blocker MJ Phillips ng 13 points mula sa walong attacks, apat na service aces at isang block para pamunuan ang Nxled sa 25-19, 25-22, 25-20 pagwalis sa nagdedepensang PLDT.
Nag-ambag si Myla Pablo ng 12 markers at may 10 points si Lyann De Guzman para sa Chameleons na nakabangon mula sa 20-25, 23-25, 25-23, 20-25 kabiguan sa Creamline Cool Smashers noong Lunes.
Hindi pa rin naglalaro sina injured Fil-Am star spiker Brooke Van Sickle at Chiara Permentilla.
May siyam na puntos si Jonah Sabete-Escamillan bukod sa 15 excellent receptions, habang may 15 excellent sets si setter Gel Cayuna.
Bumira si Fil-Canadian Savi Davison ng 20 points sa panig ng High Speed Hitters na bigong masundan ang 25-23, 25-15, 26-28, 25-14 panalo sa guest team EST Cola ng Thailand.
- Latest

















