Giant Risers dapa sa Beermen

MANILA, Philippines — Tinambakan ng San Miguel Beer ang Titan Ultra, 143-113, upang palawigin ang winning streak nito at palakasin ang tsansa sa playoffs ng PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
Maalat ang naging unang tungga ng Beermen subalit nilagok na ang buong case nito sa second quarter at hindi na nagpaawat pa sa pagtagay tungo sa 30-puntos na panalo.
Ito na ang ikatlong sunod na panalo ng SMB sa pagbabalik ng head coach na si Leo Austria para sa 7-2 kartada na nagpatatag sa kapit nila sa segunda puwesto ng Group A sa likod lang ng lider na NLEX (7-1).
Taliwas sa patuloy na buhos ng ulan, maliyab pa rin ang mga kamay ng pambatong import na si George King sa pagkamada ng 39 puntos at 10 rebounds na double-double sahog pa ang 5 assists at 2 steals upang trangkuhan ang SMB.
Naglista ng 21, 15 at 11 puntos sina Don Trollano, Marcio Lassiter at Jerrick Ahanmisi, ayon sa pagkakasunod, habang tumabo ng 13 puntos at 17 rebounds na double-double si Rodney Brondial upang sikwatin ang Best Player of the Game na parangal.
Halos hindi na kinailangan ng Beermen ang halimaw na mga numero ni 9-time PBA MVP June Mar Fajardo na may 6 puntos at 9 rebounds lamang.
“It’s a great motivation para sa kin kasi alam naman ng lahat what happened to me. I’m so grateful because the players responded well during my return to the team and then we’re playing well. Everybody is enjoying the team. Nagkakaroon na sila ng chemistry,” ani Austria na sumailalim sa angioplasty kaya hindi muna nakasama sa koponan sa simula ng conference.
Umiskor ng 34 puntos si Tirrell Brown para sa Giant Risers.
- Latest

















