2 ‘killer’ ng pro-Marcos vlogger, arestado
MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang hinihinalang gunman sa pagpatay sa pro-BBM vlogger na si Alicia Lipata, na kilala sa online bilang “Mima Alicia” noong Hulyo 17 sa Caloocan City.
Ayon kay PNP spokesperson PCol. Allen Rae Co, ang mga suspek na isang 58-anyos na lalaki na mula sa Caloocan City ay siyang bumaril kay Lipata habang ang driver ng motorsiklo ay isang 48-anyos na lalaki mula sa Cavite.
Nadakip ang dala-wang suspek habang sakay ng motorsiklo sa Mabalacat City, Pampanga.
Dead-on-the-spot si Lipata na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo at katawan habang sugatan naman ang live-in partner nitong si alyas “Nellboy”.
Narekober sa mga suspek ang dalawang hand grenade, isang baril at isang .45-caliber pistol na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Ayon kay Co, nagsasagawa pa rin sila ng imbestigasyon sa posibilidad na may kasabwat pa ang mga ito sa krimen. Patuloy ang manhunt operations laban sa iba pang posibleng sangkot sa krimen.
Sinabi ng PNP na dalawang pangunahing motibo ang sinusuri ng Special Investigation Task Group—ang papel ni Lipata bilang political commentator at isang posibleng personal na alitan sa dating kinakasama.
Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong murder, gayundin sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9516 na nagpaparusa sa ilegal na pag-iingat ng mga pampasabog.
- Latest

















