Robin at Mariel, naintriga sa ‘graduation!’

Abala ang social media stories ni Mariel Rodriguez sa pagbebenta ng pre-loved luxury items nang bisitahin namin kahapon upang silipin kung sumagot ba siya sa walang tigil na pambabatikos/pang-iimbyerna matapos siyang dumalo sa isang graduation ceremony sa isang kolehiyo sa Batangas na nakasuot ng doctoral regalia.
Ang doctoral regalia ay ang academic attire na isinusuot o ginagamit ng mga nakakuha o nakatanggap ng doctoral degree.
Dumalo si Mariel sa graduation ceremony sa Teodoro M. Luansing College of Rosario sa Batangas bilang representative ng asawang senador na si Robin Padilla.
Sa post ng senador, sinabi niyang: “Maraming salamat sa aking mahal na asawa, sa paghalili at sa pagpapaabot ng aking mensahe sa mga bagong Criminology graduates mula sa Teodoro M. Luansing College of Rosario. Saludo ako sa galing ninyong lahat!”
Kalakip nito ang mga larawan ng TV host sa nasabing graduation event.
Habang nakasuot si Mariel ng doctoral regalia ay may ribbon siyang nakasuot sa leeg na may nakasulat na guest kaya’t mabilis gumawa ng komento ang ibang followers ng senador na hindi naman ito tumanggap ng honorary doctorate dahil malinaw na guest siya.
Si Mariel ay undergraduate degree sa De La Salle University kaya’t kinuwestiyon ng netizens ang academic credentials niya at sinasabing wala sa lugar at hindi siya pwedeng magsuot ng ganu’ng academic attire.
Iba naman ang post ng senador, sagot niya sa isang Artificial Intelligence o AI photo na may hawak siyang diploma na nasa harap ng ‘University of Prison.’ Imbes na mapikon, ginamit ‘yun para ipagmalaki na sa kulungan siya natuto.
Maaalalang nakulong ang aktor/senador dahil sa illegal possession of firearms and ammunition kasunod ng insidente ng 1992 hit-and-run incident
“Ito ang unibersidad ng totoo at tunay na estado ng bansa at ng taongbayan.
“dito sa lugar na ito nagpupunta ang mga mababa at mataas na paaralan kasama na ang sikat na unibersidad upang matuto sa buhay ng mga kriminal. Madali lang ang pumasok dito,
“Ang mahirap ay ang makalabas at mag graduate… with honors o with death..,” bahagi ng caption niya sa nasabing photo.
Going back to Mariel. At kung may mga negative comment, may ilan ding nagsabi na lahat ngayon ay pwede nang magsuot ng ganun lalo na kung for content purposes lang naman.
Hindi nga naman ‘yun nalalayo sa isang trending post na nag-rent ng Airbnb pero ipina-bless at nang i-post sa social media, as if sa kanya na ang bahay alang-alang sa content. Nag-set up pa ang nagrenta sa nasabing bahay at parang sa kanya ang nasabing rental house, with matching pari at mga bisita.
Well, misleading lang pero ‘yun nga, wala na ngayong ‘di pwedeng gawin sa social media.
BINI, sinampolan ang SM Seaside Cebu Arena
Pormal na ipinakilala ng SM Prime Holdings, Inc. (SM Prime) ang SM Seaside Cebu Arena sa kanilang mga katuwang sa industriya at korporasyon, noong Hulyo 9, na siyang susunod na yugto sa pagpapaunlad ng South Road Properties (SRP) estate nito.
“This arena is part of our long-term vision for Cebu. By creating a world-class platform for live entertainment and large-scale gatherings within SRP, we give local and foreign tourists another reason to visit and stay longer,” paunang sabi ni Mr. Jeffrey C. Lim, SM Prime president.
“More importantly, this investment will generate economic opportunities for local entrepreneurs and nearby communities.”
Ang SM Seaside Cebu Arena ay may direct access sa SM Seaside City Cebu and the upcoming SMX Convention Center Seaside Cebu, Park Inn by Radisson and Radisson Hotel, na lilikha ng isang comprehensive lifestyle, tourism and business district sa Queen City of the South.
Ang ginanap na trade launch ay dinaluhan ng 400 guests mula sa mga sector ng events, entertainment, tourism, hospitality and corporate sectors, na nag-aalok ng maagang patikim sa lugar sa pamamagitan ng isang oras na flythrough na nagtampok sa laki, disenyo at mga kakayahan ng lugar.
Dinisenyo ng award-winning global architecture firm Arquitectonica, ang P7-bilyong arena ay sumasaklaw sa mahigit pitong ektarya ng kabuuang lawak ng gross floor area at kayang tumanggap ng hanggang 25,000 na bisita. Habang ang panlabas na anyo at hitsura nito ay binibigyang-kahulugan ng mga bintana na hugis-alon, na sumasalamin sa natatanging harapan ng ‘kapatid’ nitong lugar, ang SM Mall of Asia Arena.
Sa gitna ng SM Seaside Cebu Arena matatagpuan ang pinakamalaki at pinaka-modernong center-hung display ng Cebu, na idinisenyo upang maghatid ng napakalinaw na visual, nakakaengganyong tunog at real-time data integration para sa sports, concerts, electronic dance music, family entertainment, corporate shows, circus productions at motorsports events.
Bukod sa pagiging largest facility of its kind in the Visayas, ang SM Seaside Cebu Arena ay nag-aalok ng pinakamagandang karanasan sa live entertainment sa pamamagitan ng Premier Suites nito.
Ang lugar ay may 30 luxury Premier Suites na matatagpuan sa itaas lamang ng mga VIP section. Ang bawat suite ay maaaring maglaman ng hanggang 13-31 na bisita at may kasamang mga mamahaling upuan, private restrooms at walang harang na tanawin sa event floor. Ang mga may hawak ng suite at ang kanilang mga bisita ay mayroon ding access sa mga nakalaang VIP lounge, isang café at isang exclusive entrance.
Nagbukas ang SM Seaside Cebu Arena ng major events calendar sa pamamagitan ng BINI Signals World Tour kahapon, July 11. Kabilang sa iba pang mga paparating na palabas ang IV of Spades, TJ Monterde at KZ Tandingan, Hillsong Worship at LANY.
“Cebu has long been one of the country’s most dynamic markets. With this arena, we can bring more Filipino and international acts to the Visayas and strengthen the region’s place in the live entertainment circuit,” dagdag ni Mr. Lim.
- Latest




















