Impeachment trial: Umpisa na ang bloodbath!
SA wakas, narito na tayo. Matapos idiskaril ang unang impeachment process sa Senado noong nakaraang taon, ang krisis sa pamumuno, at kaliwa’t kanang legal na maniobra, sisimulan na sa wakas ng Senado, sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Sherwin Gatchalian, ang impeachment trial ni twice-impeached Vice President Sara Duterte. Ang matagal na niyang binanggit na “bloodbath” ay isa nang realidad.
Ngunit hindi ito bloodbath ng dahas. Ito ay bloodbath ng katotohanan, ebidensiya, at pananagutan.
Sa impeachment trial, walang puwang ang kasinungalingan at troll army. Ang dapat magdikta ng kapalaran ni Sara ay mga dokumento, testimonya, at mga katotohanang kayang tumayo sa anumang hamon. Dito masusukat ang bigat ng mga akusasyon laban sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Kaya mahalagang humarap mismo si Sara. Hindi sapat na ang mga abogado lamang niya ang nagsasalita. Siya ang inakusahan at siya ang may pananagutang sagutin ang mga alegasyon nang direkta, malinaw, at walang pag-iwas. Kung naniniwala siyang wala siyang kasalanan, ito ang pinakamainam na pagkakataon upang ipagtanggol ang sarili sa harap ng sambayanan.
Ang impeachment process ay hindi pamumulitika. Isa itong mekanismong inilaan ng Konstitusyon upang tiyaking walang opisyal, gaano man kataas ang posisyon, ang hihigit sa batas. Kapag pinahina natin ang prosesong ito, pinahihina rin natin ang pundasyon ng ating demokrasya.
Hindi lamang si Sara ang nililitis. Masusubok din ang Senado. Masusukat kung mananaig ba ang konsensiya kaysa mga pulitikal na alyansa, ang katotohanan kaysa kasinungalingan, at ang Konstitusyon kaysa pansariling interes.
Sa pagbubukas ng impeachment trial ngayong Lunes, ang mamamayan, lalo na ang kabataan, ay hindi maaaring maging tagamasid lamang. Ang kinabukasan ng susunod na henerasyon ang nakasalalay rito.
Papayag ba tayo sa isang bukas na patuloy na naghahari ang mga kawatan at mamamatay-tao, o sa isang demokratikong lipunang may pag-asa para sa tunay na pag-unlad ng lahat?
Kaya maging mapagmatyag tayo. Bantayan ang bawat pagdinig, ebidensiya, at boto. Huwag hayaang malunod ang katotohanan sa ingay ng kasinungalingan o malihis ang proseso dahil sa impluwensiya ng kapangyarihan.
Ang impeachment trial ay hindi lamang tungkol kay Sara. Ito ay tungkol sa ating paninindigan na sa isang tunay na demokrasya, may pananagutan ang lahat. Hanggang sa huling araw ng paglilitis, tungkulin nating tiyaking mananaig ang katotohanan, katarungan, at pananagutan.
Kaya “let the bloodbath begin”!
- Latest


















