P17 milyong ilegal na sigarilyo samsam sa raid sa Nueva Ecija

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines —Tinatayang aabot sa P17-milyong halaga ng ilegal na sigarilyo ang nakumpiska ng pulisya sa isang operasyon sa isang residential property sa Barangay Mabini Homesite ng lungsod na ito, kahapon.
Natuklasan ang nasa 500 kahon ng iba’t ibang brand ng sigarilyo sa loob ng isang bungalow-type na bahay sa may Ocampo Street ng Doña Adela Subdivision ng nasabing barangay.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Cabanatuan City Police at ng Nueva Ecija Provincial Police Office sa pamumuno ni Col. Ritchie Claravall. Isinakay naman ang mga kontrabando sa dalawang van kasunod ng pagsalakay ng pulisya.
Nabatid na nagkaroon ng isang maikling habulan sa pagitan ng mga operatiba at mga indibiduwal na pinaniniwalaang sangkot sa operasyon.
Bagama’t nakatakas ang ilang suspek, nahuli naman ng mga awtoridad ang isa rito. Narekober din ang ilang identification card mula sa isa sa mga van na may kargang sigarilyo.
- Latest

















