Grade 9 student sinaksak ng Grade 10

Kaso ng bullying
MANILA, Philippines — Malubhang nasugatan ang isang Grade 9 student matapos na pagsasaksakin siya ng isang Grade 10 sa labas ng kanilang eskuwelahan sa San Carlos City, Negros Occidental nitong Martes ng hapon.
Ang biktima ay kinilala sa pangalang Christian, 17-anyos, residente ng Urban Phase 4, Brgy. Rizal ng lungsod at Grade 9 student sa Julio Ledesma National High School.
Ang suspek na naaresto sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ay isang 17-anyos na Grade 10 student.
Batay sa ulat ng Police Regional Office Negros Island Region (PRO-NIR), naganap ang insidente, alas-3:40 ng hapon sa labas ng nasabing eskuwelahan sa Brgy. 2.
Lumalabas sa imbestigasyon, na paglabas ni Christian sa gate ng kanilang eskwelahan ay doon na ito inundayan nang saksak ng suspek na matagal nang nakaabang.
Ang biktima na nagtamo nang saksak sa tiyan ay mabilis na isinugod sa San Carlos City Hospital kung saan patuloy itong nilalapatan ng lunas.
Mabilis na tumakas ang suspect matapos gawin ang krimen, pero agad na nasakote sa follow-up operations ng pulisya at nakumpiska ang patalim na ginamit sa pananaksak.
Bago naganap ang insidente ay nagsumbong si Christian sa kaniyang adviser na pinagbabantaan ng suspect ang kanyang buhay kaya pinayuhan ito ng guro na huwag munang lumabas ng eskuwelahan at aayusin niya ang problema.
Gayunman, dahilan abala ang guro sa kaniyang lesson plan ay lumabas na ang eskuwelahan ang biktima at dito na nangyari ang pananaksak.
Kabilang sa sinisilip na anggulo ng mga otoridad ay may kaugnayan sa pambu-bully kung saan matagal na umanong magkaaway ang dalawa.
- Latest















