Halos 30K barangay, itinakwil ang CPP-NPA-NDF
MANILA, Philippines — Inihayag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nasa 28,415 barangay sa 60 lalawigan ang saklaw ng mga deklarasyon ng Stable Internal Peace and Security (SIPS), isang malawakang paglawak ng mga pamayanang may matatag na kapayapaan at seguridad.
Ito ay nagpapakita nang patuloy na paghina ng armadong impluwensiya ng CPP-NPA-NDF at pagtalikod ng mga komunidad sa karahasan tungo sa kapayapaan, demokratikong pamamahala at kaunlaran.
Binigyang-diin ni NTF-ELCAC Deputy Director for Operations Rodrigo “Rhod” Lutao ang mga bilang na ito noong Martes sa ginanap na Major Island Group Action Planning Workshop for Mindanao, kung saan iniulat niya ang progreso ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) sa harap ng mga tagapaghatid ng impormasyon ng pamahalaan at mga katuwang mula sa Regions IX, X, XI, XII, CARAGA at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ipinapakita ng mga datos ang lawak ng pagbabagong nagaganap sa bansa na sa kabuuang bilang na 21,614 barangay sa 45 lalawigan ang matatagpuan sa siyam na buong rehiyong nakamit na ang SIPS status.
Habang karagdagang 6,801 barangay sa 15 lalawigang may SIPS status ang kabilang sa mga rehiyong patuloy pang kumikilos tungo sa ganap na regional SIPS.
Sa kabuuan, 28,415 barangay sa 60 lalawigan ang nakapagtatag na ng matatag na kalagayan ng kapayapaan at seguridad, batay sa ulat ng Task Force.
Para sa NTF-ELCAC, malinaw na ipinakikita ng mga bilang na ito ang malaking pagliit ng mga lugar na dating pinamumugaran o naiimpluwensiyahan ng komunistang armadong insurhensiya.
Nauna nang inilarawan ng Task Force ang paglawak ng SIPS bilang isang “makasaysayang pagtalikod” sa karahasan ng CPP-NPA-NDF kasabay ng pagbangon ng mga komunidad mula sa ilang dekadang armadong tunggalian.
- Latest






















