Driver at operator ng Don Mariano Trans kinasuhan na
MANILA, Philippines – Pormal nang kinasuhan ng Highway Patrol Group (HPG) ngayong Martes ang tsuper ng pampasaherong bus na nahulog sa elevated highway nitong Lunes ng umaga na ikinasawi ng 18 katao.
Sinabi ni HPG investigator Senior Police Officer 2 Isidra Dumlao na sinampahan nila ng kasong multiple homicide, and reckless imprudence resulting in physical injury and damage to property ang tsuper na si Carmelo Calatcat at ang may-ari ng Don Mariano Transit Corporation.
Kaugnay na balita: 18 patay, 16 sugatan sa pagtilapon ng bus sa Skyway
Dagdag niya na nakilala na ang 12 sa 18 nasawi matapos mahulog ang bus mula sa Skyway bago nabagsakan ang isang closed van sa west service road.
Kabilang sa mga namatay sina: Jean Angelique Cadiz, Joey Esponilla, Marie Ann Superio, Roger Orquejo, Arnold Jimenos, Roberto Bautista, Russel Constantino, Richard Gaveria, Ricardo Gonzales, Rolly Bores, Ramon Labang at Rodel Tolentino.
Kaugnay na balita: Nahulog na bus sa Skyway, ilang beses nang nasangkot sa aksidente
Biyaheng Novaliches-Pacita ang minamanehong bus ni Calatcat na may plakang UVC-916 nang mawalan ito ng kontrol dahil sa umano’y mabilis na pagpapatakbo at basang kalsada dahil sa ulan.
"Based on the account of witnesses, the bus was speeding when it apparently lost control, swerved and hit the wall of the skyway, flipped up and crashed on the van," sabi ni Dumlao.
Dagdag ni Dumlao na kalbo na ang unahang gulong ng bus kaya naman hirap itong kumapit sa basang kalsada.
- Latest
- Trending