Palasyo iimbestigahan ang pagtakas ni Misuari
MANILA, Philippines – Ipapasiyasat ng Malacañang kung paano nakalabas ng bansa ang Moro National Liberation Front Chairman Nur Misuari sa kabila ng kinakaharap niyang kasong rebelyon.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio "Sonny" Coloma Jr. ngayong Martes na kanselado ang pasaporte ni Misuari kaya naman iimbestigahan nila kung paano ito nakatas.
"Since that is a violation of the cancellation of the passport, we will look into the circumstance on how he was able to leave the country," banggit ni Coloma.
Kinasuhan ng rebelyon si Misuari matapos pangunahan ang pagsakop sa ilang barangay ng Zamboanga City noong Setyembre.
Tumagal ng tatlong linggo ang bakbakan sa pagitan ng mga militar at gobyerno kung saan daan-daan ang nasawi at libu-libong pamilya ang nawalan ng tirahan.]
Kaugnay na balita: Nur Misuari nakalabas na ng Pinas!
Sinabi ng tagapagsalita ni Misuari na nakalabas na ng bansa ang pinuno ng MNLF at nasa Guinea upang dumalo sa tatlong araw na Organization of Islamic Conference.
"Nasa OIC (Organization of Islamic Conference) na po 'yung ating mahal na propesor," pahayag ni Fontanilla tungkol kay Misuari. "Doon na po siya sa Guinea at nakikipag-usap na po."
Nagsagawa ng manhunt operation ang gobyerno laban kay Misuari at iba pang commander ng MNLF ngunit bigong silang madakip.
- Latest
- Trending