Tax exemption kay Pacquiao isinusulong sa Kamara
MANILA, Philippines – Bilang pagbigay pugay sa karangalang dinala ng Filipino boxing icon Manny Pacquiao, iminungkahi ng ilang mga mambabatas na huwag nang singilin ng buwis ang boksingero.
Inihain ni dating Manila Mayor at ngayo’y Buhay Partylist Rep. Lito Atienza ang panukala upang hindi na singilin ng buwis ang mga magigiting na atleta tulad ni Pacquiao.
Kilala si Atienza na kaalyado ni Pacquiao lalo noong nakaupo pa siya bilang alkalde ng Maynila.
Samantala, naghain din naman si Valenzuela Representative Magtanggol ng House Bill No. 3506 na layuning hindi na singilin ng buwis si Pacquiao buong buhay.
Nakasaad sa "Pacquiao Act of 2013" na hindi na kailangang magbayad ng eight-division champion ng buwis dahil sa pagbibigay ng "outstanding honor and pride."
Kaugnay na balita: Gag order vs Pacquiao at BIR
Isinusulong ang mga panukala sa kabila ng kinakaharap na kontrobersya ni Pacquiao sa hindi pagsasaad ng tamang kinita sa kanyang income tax return noong 2009.
Iginigiit ng Bureau of Internal Revenue na walang inihain si Pacquiao na kinita mula sa Estados Unidos.
"Ito yung problema ng 2009 ITR niya, wala siyang idineklarang American income, idineklara lang niya ay yung Philippine source income at under declared pa," pahayag ni Henares noong nakaraang Linggo.
“Kung meron kayo nun bakit hindi niyo ibinigay sa amin? Anong silbi nun kung itinago niyo? What is the purpose of having it and keeping it?†tanong ni Henares.
Sinisingil ng BIR si Pacquiao ng P2.2 bilyon matapos lumaki dahil sa interes ang kanyang utang sa kawanihan.
- Latest
- Trending