De Lima: Mas malawak na 'pork probe' pinaghahandaan
MANILA, Philippines – Nakatakdang pulungin ni Justice Secretary Leila de Lima sa Biyernes ang mga opisyal ng prosecutorial agencies ng gobyerno kasunod nang kautusan ng Korte Suprema na panagutin ang lahat nang umabuso sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na pork barrel simula noong 1990.
Tatalakayin ni De Lima sa mga undersecretaries at assistant secretaries ng Department of Justice, mga opisyal ng National Prosecutorial Service sa pangunguna ni Prosecutor General Claro Arellano at mga opisyal ng National Bureau of Investigation ang gagawing imbestigasyon.
Iniutos ni De Lima sa mga opisyal na pag-aralan ang desisyon ng Korte Suprema at gumawa ng rekomendasyon kung paano ito maipapatupad.
Sinabi ni De Lima na kakausapin niya rin si Ombudsman Conchita Carpio-Morales at iba pang Inter-Agency Anti-Graft Coordinating Council.
Nitong nakaraang linggo ay napagdesisyunan ng Korte Suprema na hindi naaayon ang pork barrel system sa Saligang Batas.
Dahil dito ay ipinatigil ng mga hukom ang pagpapalabas ng pondo maging ang nalalabing pera para ngayong taon.
- Latest
- Trending