Hepe ng Zambo police dinukot ng MNLF
MANILA, Philippines – Matapos pakawalan ang higit 60 bihag, dinukot naman ng mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa pamumuno ni Nur Misuari ang hepe ng Zamboanga City Police ngayong Martes.
Kinumpirma ni Chief Inspector Elmer Acuña ng city police station 6 na binihag ng mga rebelde si Senior Supt. Chiquito Malayo at ang mga kasama niya.
Sinabi ni Acuña na umalis si Malayo at ang mga tauhan niya upang magpatrolya nang maharang ito ng mga miyembro ng MNLF sa Arena Blanco sa Barangay Mampang bandang alas-10 ng umaga.
Ayon sa mga ulat ay isinakay ng pumpboat si Malayo at dinala sa isla ng Tictabon.
Pinalipad na ang dalawang MG520 attack helicopters upang magsagawa ng search operation.
Kaninang umaga ay 64 na bihag ang nakalaya mula sa siyam na araw na pagkakabihag kasunod nang pagsakop ng mga rebelde ng ilang barangay ng lungsod.
- Latest
- Trending