NGO ni Napoles inendorso ni Revilla, Estrada, Enrile,
MANILA, Philippines – Tatlong senador ang itinuturo ng mataas na opisyal ng National Agribusiness Corp. (NABCOR) na umano’y nag-endorso sa kanilang opisina ng pekeng nongovernment organization ni Janet-Lim Napoles, ang sinasabing mastermind sa pork barrel scam.
Sinabi ni dating NABCOR vice president for administration and finance Rhodora Mendoza na sina Bong Revilla Jr., Jinggoy Estrada, at Juan Ponce Enrile ang nag-endorso ng proyekto sa Social Development Program for Farmers Foundations, Inc (SDPFFI).
"I am very sure of the three senators: Revilla, Estrada and Enrile," banggit ni Mendoza kay Senate Blue Ribbon Committee chairman Teofisto "TG" Guingona sa ginagawang pagsisiyasat ng senado sa pork barrel scam ngayong Huwebes.
Inamin ni Mendoza na kilala niya ang whistleblower na si Benhur Luy dahil palagi itong nasa opisina ng NABCOR upang magfollow-up ng proyekto ng SDPFFI.
Dagdag niya na ipinakilala pa sa kanya ni Luy si Napoles.
“I met her (Napoles) once. I was invited in a thanksgiving mass in Discovery Suites,†kuwento pa ni Mendoza.
Hindi kabilang si Mendoza sa mga inimbitahan ng Senado upang magsalita pero ipinagtawag na rin siya kasunod nang kahilingan ni dating NABCOR President Alan Javellana na siyang kinuwestyon sa pagdinig.
Sinabi ni Javellana na ipinakilala rin sa kanya ni Luy si Napoles sa opisina ng NABCOR.
"We had a meeting sa coffee shop ng Discovery Suites," sabi ni Javellana patukoy kay Napoles.
Sangay ng Department of Agriculture ang NABCOR na kapwa kabilang sa implementing government agencies.
Lumabas sa special report ng Commission on Audit na halos 200 mambabatas ang nagpasok ng perang aabot sa P6.15 bilyon sa mga pekeng 82 NGO noong 2007-2009.
Sinabi naman ng pinuno ng COA na si Grace Pulido-Tan na apat na senador ang nagpasok ng pera sa mga NGO ni Napoles.
Ito ay sina Revilla, Estrada, Enrile at Gringo Honasan.
- Latest
- Trending