Napoles na-highblood sa bagong kulungan
MANILA, Philippines - Tumaas ang presyon ng umano'y utak sa likod ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles dahil sa kanyang kulungan sa Laguna, ayon sa pulisya ngayong Lunes
Sinabi ng tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) na si Senior Superintendent Ruben Theodore Sindac dumaing ng claustrophobia, problema sa mga masisikip na lugar, si Napoles matapos siya ilipat kagabi mula sa Makati City Jail.
Dagdag ni Sindac na pumalo sa 180/50 ang presyon ni Napoles, habang bumagsak ang sugar level ng negosyante sa 40 mg/dl kaninang alas-3 ng madaling araw.
Matapos asikasuhin ng mga nars ay naging normal na ang presyon niya sa 120/90 at 112 mg/dl na sugar level makalipas ang isang oras.
Sinabi naman ni PNP-Special Action Force director Chief Superintendent Carmelo Valmoria na mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng Fort Domingo ang mga bagay na maaaring gamitin sa pagpapatiwakal tulad ng mga matatalim na gamit, sintas ng sapatos, lubid, at kurtina.
“It’s like a typical bungalow with the doors and windows having grills,†ani Valmoria kahapon.
Ang kulungan ni Napoles, na naging piitan din ni dating Pangulo at ngayo'y Manila Mayor Joseph Estrada, anak niyang si Jinggoy Estrada at dating senador Gregorio Honasan, ay may receiving room at refrigerator.
Nahaharap sa kasong serious illegal detention si Napoles at ang kanyang kapatid na si Reynald Lim matapos nila umanong bihagin ang pork barrel scam whistleblower na si Benhur Luy.
Hanggang ngayon ay nagtatago pa rin si Lim na may P5 milyong pabuya kalapit ng kanyang ikakaaresto.
- Latest
- Trending