State of calamity sa 3 bayan ng Laguna
MANILA, Philippines – Isinailalim na sa State of Calamity ang tatlong bayan sa Laguna dahil sa pagbaha dulot ng matinding buhos ng ulan na dala ng hanging habagat na pinalakas ng bagyong Maring.
Nanalasa ang rumaragasang baha sa lungsod ng San Pedro, Biñan, at Sta. Rosa dahil sa walang tigil na pag-ulan mula ng Linggo ng gabi.
Sinabi ni Mayor Arlene Arcillas ng Sta. Rosa na siksikan na ang mga tao sa evacuation centers dahil sa bahang lagpas bahay.
"Puno na rin mga school at ibang evacuation center...may mga area na 'di mapasok.Ang pinakamababa ay hanggang baywang at pinakamataas ay abot hanggang bahay nila kaya nandoon sila sa itaas ng bubong," pahayag ni Arcillas na sinabi pang 15 sa 18 barangay ang lubog sa baha.
"Sabi ko sa mga tao, maghintay lang. Huwag muna lumabas," dagdag ng alkalde na ikinuwentong kailangan ng malalaking sasakyan upang mapasok ang mga lubog na lugar.
Samantala, sinabi naman ni San Pedro mayor Lourdes Cataquiz na mas malala pa ang hagupit ng habagat ngayong Agosto kumpara sa pananalasa ng bagyong Ondoy noong 2010.
"(This is) worse than Ondoy. Napakadaming nagsarang area," ani Cataquiz.
- Latest
- Trending