Noy nag-sorry sa pamilya ng Taiwanese fisherman
MANILA, Philippines – Tumulak ngayong Huwebes patungong Taiwan si Manila Cultural and Economic Office (MECO) Chairman Amadeo Perez upang humingi ng tawad sa pamilya ng mangingisdang namatay sa umanoy pamamaril ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa karagatan ng Batanes noong Mayo.
Inihatid ni Perez ang liham ni Pangulong Benigno Aquino III sa naiwang pamilya ng 65-anyos na si Hung Shkh-cheng sa Pingtung County.
Bandang 10:30 ng umaga dumating sa Taiwan Taoyuan International Airport si Perez dala ang sulat at ang alok ng Pilipinas na danyos sa nangyaring insidente.
"We will ask for forgiveness and our deepest apology to members of the family once we step our foot on the soil of Taipei," sabi ni Perez bago siya umalis ng Maynila sa Ninoy Aquino International Airport.
Nasawi si Hung matapos pagbabarilin ng PCG ang barkong pangisda ng mga Taiwanese sa Balintang Channel malapit sa Batanes group of islands noong Mayo 9.
Sa isinagawang imbestigasyon ng NBI ay inirekomenda nila na kasuhan ng homicide ang walong tauhan ng PCG.
Kaugnay na balita: Homicide vs 8 PCG personnel - NBI report
Nilinaw ni NBI Director Nonnatus Rojas ngayong Miyerkules na nangyari ang pamamaril sa loob ng teritoryo ng Pilipinas pero iginiit niya na maaari lamang gamitin ang mga armas kapag mayroong banta sa seguridad.
Kasamang umalis ni Perez ang iba pang opisyal ng MECO na sina Antonio Basilio at Manuel Dimaculangan.
Dahil sa insidente ay nagkaroon ng gusot ang relasyon ng Taiwan at Pilipinas, kung saan hiniling ng Chinese Taipei na gumawa ng public apology ang gobyerno ng Pilipinas.
- Latest
- Trending