Panggugulo sa Mindanao 'desperate act' - PNoy
MANILA, Philippines – Binalaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga nanggugulo sa Mindanao, partikular sa mga taong nasa likod ng magkakasunod na pambubomba, na tutugisin at pananagutin sila ng gobyerno.
Inihayag ni Aquino ang kanyang pagkondena sa panggugulo sa Mindanao sa 22nd Mindanao Business Conference ngayong Huwebes.
"To those willing to partner with us for peace, we welcome you as brothers; but to those who want to challenge the authority of the State, you will feel the full brunt, depth, and might of the State’s response. You will not get in the way of the peace and the stability that will help fulfill the potential of Mindanao," sabi ni Aquino sa kanyang talumpati.
Gumugulong pa rin ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa pagbubuo ng Bangsamoro Region.
Binulabog ng dalawang pagsabog ang Mindanao sa nakaraang dalawang linggo na nag-iwan ng mga patay. Noong Hulyo 26 ay walo ang nasawi, habang halos 50 katao ang sugatan nang pasabugan ang isang bistro sa Limketkai shopping complex sa Cagayan de Oro City.
Nitong Lunes naman ay walo rin ang nasawi sa pagsabog ng isang car bomb sa Cotabato City, habang nitong kamakalawa ay pinasabugan ang isang tulay sa North Cotabato.
Inilarawan ni Aquino ang mga magkakasunod na pag-atake bilang “desperate act by a small sector dead set against the attainment of peace in Mindanao."
Sa isang televised briefing ay sinabi ni Aquino na tatlong magkakaibang grupo ang kanilang iniimbestigahan na may kinalaman umano sa panggugulo sa Mindanao.
- Latest
- Trending















