'Isang' nakalabas na ng Pilipinas
MANILA, Philippines - Nakalabas na ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong "Isang," ayon sa state weather bureau ngayong Huwebes ng umaga.
Sinabi ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na napanatili ng bagyo ang kanyang lakas bago lumabas ng bansa kagabi patungong Southern China.
Base sa update ng PAGASA kaninang alas-4 ng umaga nasa 250 kilometro kanluran ng Itbayat, Batanes ang mata ng bagyo.
Taglay pa rin nito ang lakas na 65 kilometers per hour (kph) at bugsong aabot sa 80 kph habang gumagalaw pa hilaga-kanluran sa bilis na 15 kph.
Dagdag ng weather bureau na walang inaasahang sama ng panahon ang papasok sa bansa sa susunod na tatlong araw.
Pero makakaranas pa rin ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan ang Metro Manila, Ilocos region, CAR, Central Luzon, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal and Quezon), Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan), at ang Batanes at Calayan group of Islands dahil sa pinalakas na hanging habagat ng bagyo.
Magiging bahagyang maulap naman ang kalangitan ng Visayas at Mindanao at may tsansang umulan sa hapon o gabi.
- Latest
- Trending