PNoy humiling sa China huwag bitayin ang Pinay drug mule
MANILA, Philippines – Isang Pilipina ang kumpirmadong bibitayin sa China dahil sa pagtutulak ng droga anumang oras mula ngayong araw hanggang Hulyo 2, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sinabi ng tagapagsalita ng DFA na si Raul Hernandez na nasentensyahan ng parusang kamatayan ang 35-anyos na Pinay dahil sa pagpupuslit ng 6.198 na kilo ng heroin sa China.
Nadakip ang Pinay noong Enero 2011 matapos matuklasan ang ipupuslit sanang droga sa paliparan ng China.
Nilinaw ni Hernandez na nakatanggap ng legal na tulong ang Pinay drug mule mula sa pamahalaan ng Pilipinas.
"The Philippine government provided our kababayan all necessary and possible assistance and ensured that her legal rights were observed and that her welfare protected from the time of her arrest and throughout the judicial process," pahayag ni Hernandez sa isang televised press briefing.
Aniya magpapadala si Pangulong Benigno Aquino III ng letter of appeal sa pangulo ng China upang iapela na huwag nang ituloy ang pagbitay sa Pinay.
Ipapadala ngayong araw ang sulat sa pamamagitan ng Chinese Embassy sa Maynila at Philippine embassy sa Beijing.
Ayon pa kay Hernandez, humihiling ang mga kamag-anak ng Pinay drug mule na bigyan sila ng katahimikan.
Sinabi ni Hernandez na sa huling bilang nila ay may 213 na kaso ng droga sa China na kinasasangkutan ng mga Pilipino
"The Philippines respects Chinese law and the verdict of the Supreme People's Court on the case," ani Hernandez.
- Latest
- Trending