Flights sa Davao airport kanselado pa rin
MANILA, Philippines – Hindi pa rin bumabalik ang operasyon ng Davao International Airport ngayong Martes dahil hindi pa rin malaman ng mga awtoridad kung paano tatanggalin ang sumadsad na eroplano sa runway nito.
Sinabi ni Frederick San Felix, airport area manager ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), bigong matupad ng retrieval team ang kanilang sariling deadline na tanggalin ang eroplano ng Cebu Pacific ngayong alas-7 ng umaga.
Nitong Linggo ay nag-overshoot ang flight 5J 971 sa runway ng nasabing airport dahil sa malakas ng buhos ng ulan habang pa-landing ang eroplano.
Wala namang naiulat na nasaktan mula sa 166 na pasahero kabilang ang mga empleyado at piloto.
"We again extended (the time for the removal of the aircraft) to 3 p.m.," sabi ni San Felix sa The STAR.
"We already moved it a little bit. But then the plane started falling off the steel plate we placed underneath," dagdag ng area manager. "We will have to lift it up again."
Ito na ang ikalawang sunod na araw na kanselado ang lahat ng flights paalis at patungo ng Davao.
Sinabi ni San Felix kahapon na higit sa 3,000 pasahero ang na-stranded dahil sa insidente.
Upang maibsan ang problema sa mga biyahe, inalok ng Cebu Pacific at Philippine Airlines ang kanilang mga pasahero na ilipat sila sa pinakamalapit na
paliparan sa lungsod ng General Santos.
Hindi naman natuwa ang mga pasahero ng budget carrier na Zest Air dahil sa kawalan ng aksyon ng pamunuan ng nasabing airline.
- Latest
- Trending