AWOL na pulis, asawa huli sa drug bust
MANILA, Philippines – Magkasama hanggang sa kulungan ang mag-asawang nadakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasunod ang buy-bust operation na ginawa sa lungsod ng Taguig nitong Martes ng gabi.
Kinilala ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. ang suspek na pulis na si Senior Police Officer 2 Wilfredo Hidalgo, 47, na naka absent without leave (AWOL) mula sa kanyang puwesto sa in Southern Police District-National Capital Region Police Office mula noong 2010 at ang kanyang asawa na si Cristina, 46.
Dagdag ni Cacdac na nasakote ang mag-asawa sa kanilang lugar sa Lower Bicutan bandang 6 ng gabi.
Nasabat sa mga suspek ang pitong pakete ng shabu na may timbang na tatlong gramo at isang Beretta pistol.
Nakakulong ngayon ang mag-asawa sa PDEA custodial facility sa lungsod ng Quezon at nahaharap sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
- Latest
- Trending














