EDSA aayusin ngayong Kuwaresma
MANILA, Philippines – Sasamantalahin ng Department of Public Works and Highways ang pag-alis ng mga tao sa Metro Manila patungo sa kani-kanilang probinsya upang ayusin ang ilang bahagi ng EDSA mula Huwebes Santo hanggang sa Pasko ng Pagkabuhay.
Sinabi ni DPWH Secretary Rogelio L. Singson na susundin ng kagawaran ang lane-by-lane repair sa ilang bahagi ng EDSA mula mamayang 10 ng gabi hanggang 5 ng umaga ng Lunes, Abril 1, 2013.
Maaapektuhan ang northbound ng EDSA sa lungsod ng Caloocan mula sa kalye ng Asuncion hanggang MCU Hospital (lane 6) at southbound mula sa kalye ng Benin hanggang kalye ng Urbano.
Sa lungsod ng Quezon, isasara rin ang 5th lane ng EDSA northbound mula sa Congressional Avenue hanggang Access Road, gayun din ang 5th lane ng EDSA southbound mula Cloverleaf hanggang kalye ng Oliveros.
Aayusin din ang EDSA northbound at southbound underpass na sakop ng lungsod ng Mandaluyong, at ang EDSA Makati City northbound lane mula sa 7-Eleven malapit sa Estrella Footbridge hanggang Guadalupe Bridge gayun din ang southbound nito na mula sa Guadalupe Bridge hanggang San Carlos Seminary.
Ang kalsada naman sa Dela Cruz Extension ng EDSA sa lungsod ng Pasay ang kukumpunihin ng DPWH malapit sa overpass at kaharap ng dating BLTB bus terminal at Victory Liner bus terminal.
Bukod sa kahabaan ng EDSA, aayusin din ang ilang kalsada sa Metro Manila kabilang dito ang: Nicanor Reyes Street sa Sampaloc, Manila mula C.M. Recto hanggang España; San Marcelino Steet, Manila mula Remedios hanggang President Quirino; North Avenue (westbound) sa harap ng SM North EDSA at centerlane ng crossing Mindanao at North Avenue, Quezon City; at northbound ng Fairview Avenue, Quezon City mula Mindanao Extension hanggang Milano Drive (4th lane).
Sinabi ni Singson na aayusin ang mga kalsada upang maging mabils ang pagbyahe sa mga lungsod at mapatagal ang buhay ng kalsada.
- Latest
- Trending