Kagawad na tulak ng droga sa Leyte, tiklo sa PDEA
MANILA, Philippines – Huli sa buy-bust operation ang isang barangay kagawad at dalawa pa niyang kasamahan sa Leyte, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Miyerkules.
Pinangalanan ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. ang mga suspek na sina barangay kagawad Japeth Abenoja, 36, ng Barangay Tabuk, Hindang, Leyte; Michael Bantes, 40, ng Barangay Balugo, Albuera, Leyte; at Ruel Orapa, 34, ng Poblacion 2, Hindang, Leyte.
Kinorner ng mga tauhan ng PDEA Regional Office 8 ang tatlong suspek matapos nilang pagbentahan ng dalawang gramo ng shabu ang isang undercover na ahente sa Barangay Tabok, Hindang, Leyte.
Dalawang oras lamang ang nakakalipas matapos arestuhin ang mga suspek, naglabas naman ng search warrant si Executive Judge Alphinor Serrano, ng branch 6 ng Tacloban City, upang halughugin ang bahay ni Abenoja.
Nasamsam sa bahay ni Abenoja ang apat na pakete ng shabu na may bigat na 15 gramo at aabot sa P112,000 ang halaga.
Nakuha rin sa bahay ng kagawad ang P31,480 na pinaniniwalaang kinita ni Abenoja sa pagtutulak ng droga.
Sinabi ni Cacdac na kilalang tulak ng droga si Abenoja sa mga bayan ng Hilongos, Inupacan, Hindang Leyte at lungsod ng Baybay.
- Latest
- Trending