MANILA, Philippines - Ipinakalat na ng Philippine National Police (PNP) ang 254 na bagong komisyong opiysal ng pulisya sa iba't ibang yunit nito sa bansa.
Sinabi ng PNP ngayong Martes na itinalaga sa mga bakanteng posisyon sa regional at national operational support units ang mga nagtapos ngayong 2013 sa PNP Academy.
Inaprubahan ni PNP chief Director General Alan Purisima ang pagpapakalat sa 254 na bagong police inspectors sa rekomendasyon na rin ng Directorate for Personnel and Records Management.
Tatlumpu't-isang miyembro ng NPA “Tagapamagitan“ Class 2013 ang mapupunta sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, 29 sa Northern Mindanao, 22 sa Southern Mindanao, 12 sa SOCSARGEN Region, 18 sa Caraga Region, 10 sa Cagayan Valley Region, 10 sa Cordillera Region, 22 sa MIMAROPA, 22 sa Bicol Region, 22 sa Western Visayas, 17 sa Eastern Visayas, 10 sa Maritime Group at 29 sa Special Action Force.
Ang mga bagong police inspectors ay ilalagay sa Regional Public Safety Battalions at Provincial Public Safety Companies na mga tactical strike forces for internal security at kontra krimen na operasyon ng PNP.
Ang SAF ay ang national tactical maneuver force at ang Maritime Group naman ay nag-aasikaso sa seaborne law enforcement at public safety operations.
Ang mga bagong pulis ay nasa 30 araw na pahinga bago sila mag-report para sa orientation ng kanilang mga gagawing trabaho.
Nitong weekend lamang ay tinanggap ng 237 miyembro ng PNPA “Tagapamagitan“ Class 2013 ang kanilang mga baril, police badge, basic individual equipment at unang sweldo at clothing allowance.