Seguridad sa Shariff Aguak pinaigting
MANILA, Philippines - Pinaigting ng pulisya ngayong Miyerkules ang seguridad sa bayan ng Shariff Aguak kasunod ng pagkakasawi ng pangunahing suspek sa 2009 Maguindanao massacre.
Nasawi ang suspek na si Daingan Ampatuan matapos makipagbarilan sa mga pulis nitong Lunes sa Barangay Kuloy, Sharrif Aguak, Maguindanao.
Dadakpin sana ng awtoridad sa bisa ng warrant of arrest si Ampatuan pero nanlaban umano ito kaya nauwi sa shootout ang pang-aaresto.
Limang pulis, kabilang ang isang opisyal na si Superintendent Julius Coyme, ang sugatan sa barilan sa pagitan nila at ng mga taga-suporta ng suspek.
Ayon sa isang lokal na opisyal na ayaw magpakilala, nasugatan din ang limang taga-suporta Ampatuan sa engkuwentro.
Sinabi ni Senior Supt. Rodelio Jocson, direktor ng Maguindanao provincial police, humingi sila ng tulong sa militar upang paigtingin ang seguridad sa Shariff Aguak dahil sa posibleng pagresbak ng mga kamag-anak at taga-suporta ni Ampatuan.
Nagpakalat ng karagdang pulis sa mga pampublikong pamilihan at terminal sa Shariff Aguak, dagdag ni Jocson.
Si Ampatuan ang isa sa mahigit 200 katao na pinagsususpetsahang sangkot sa Maguindanao massacre noong Nobyembre 2009. Umabot sa 58 katao, karamihan dito ay mga mamamahayag, ang nasawi sa insidente na may kinalaman sa eleksyon.
- Latest
- Trending